Dahil sa impormasyon mula sa concerned citizen, nabisto ng mga awtoridad ang isang bahay sa Quezon City na ginawa umanong drug den na nagresulta sa pagkakaaresto ng 12 katao, kabilang ang mga naaktuhan daw na bumabatak o gumagamit ng bawal na gamot.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Unang Balita," sinabing agad na naaresto ng Quezon City Police sa isinagawa nilang buy-bust operation ang may-ari ng bahay na si Ricardo Medina sa Payatas.

"Based yun sa information na ibinigay sa atin ng concerned citizen sa area ng Payatas na a certain Ricardo Medina ay patuloy pa rin sa pagbebenta ng illegal drugs. Na-consumate yung buy-bust operation, pagpasok sa bahay, naabutan dito yung remaining suspects na nagko-conduct ng pot sessions," ayon kay Police Superintendent Rossel Cejas, commander ng QCPD Station 6.

Inaalam naman ng pulisya kung nasa drug watch-list ang 11 naaktuhan umanong bumabatak sa bahay ni Medina at kung dati na silang sumuko sa Oplan Tokhang.

Umamin ang isa sa mga naaresto at sinabing pinagbigyan lang niya ang sarili dahil na rin sa kaniyang kaarawan.

Mahigit P5,000 halaga ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia ang nakuha sa mga drug suspect.

Sa Barangay San Roque, Cubao naman, arestado rin ang isang lalaking sinasabing tulak daw sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis.

Kinilala ang suspek na si Romualdo de Vera, na sumuko na sa Oplang Tokhang noong nakaraang taon ngunit hindi pa rin tumigil.

Umamin ang suspek sa krimen.

"Ako po iyon. Wala naman na akong ide-deny Kapos po kasi, tawid-gutom lang naman po iyon," ayon kay de Vera. — Jamil Santos/FRJ, GMA News