Hangga't hindi pa tapos ang digmaan sa Marawi City at hanggang may hawak pang mga bihag ang Maute-ISIS terrorist group, hindi pa masisimulan ang rehabilitation at reconstruction ng lungsod na lubhang nawasak dahil sa patuloy na bakbakan.

Pahayag ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña, sana na matapos na ang digmaan upang masimulan na ang rehabilitasyon at reconstruction.

“We will just wait, until it’s over,” dagdag pa ng Obispo sa panayam sa Radyo Veritas, at sinabi pang ang digmaan at kaguluhan ang isa sa dahilan kung bakit maraming lugar sa Mindanao ang nananatiling mahirap.

Gayundin, sinabi niyang hangga't may mga bihag pang hawak ang mga terorista, binabalot pa rin ng pangamba ang mga taga-Marawi.

Ayon sa Obispo, may dalawa pang manggagawa ng St. Mary’s Cathedral ang nananatiling bihag.

“We got the number na anim lang talaga ang nakuha sa amin sa cathedral compound, the rest ay mula sa Dansalan College while the siege is going on we did not have in any way of checking kung ilan talaga.”

Bukod kay Fr. Chito Suganob, ang vicar general ng Prelatura ng Marawi, kabilang din sa nabawi ng militar ang kanilang parish secretary, pangulo ng parish pastoral council at isa pang opisyal ng kanilang simbahan na pawang mga nakatatandang babae.

Sa mahigit 300,000 populasyon ng Marawi City, aabot lamang sa 2,000 ang mga Katoliko.

Ang prelatura ay binubuo ng walong simbahan at kapilya na pinangangasiwaan ng pitong mga pari.

Base sa 2015 report, kabilang sa 10 pinakamahihirap na lalawigan sa bansa ay mula sa Mindanao Region, nangunguna dito ang Lanao Del Sur na matatagpuan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao. —LBG, GMA News