Dalawang ama ang magkahiwalay na pinaslang sa Pasay City sa harap ng kani-kanilang anak ng mga salaring nakasakay sa mga motorsiklo nitong Miyerkules ng gabi. Ang mga biktima, sinasabing sangkot umano sa iligal na droga.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, unang ipinakita ang pamamaril sa biktimang si Andi Parpan sa Tramo Street sa Pasay City dakong 9:00 p.m. nitong Miyerkules.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita si Parpan habang nakatayo sa gilid ng kalsada kasama ang dalawa pang lalaki.
Hindi nagtagal, tatlong riding in tandem ang dumating at tumigil sa tapat ng tatlo at pinagbabaril si Parpan.
Makikita pa sa video na isa sa mga salarin ang bumaba sa motorsiklo at muling pinaputukan ang nakatumbang biktima.
Isang batang tatlong taong-gulang naman ang lumabas mula sa nakaparadang pedicab o padyak, na sinasabing anak ni Parpan na nasaksihan ang nangyari sa kaniyang ama.
Ligtas naman ang dalawa pang lalaki na kasama ni Parpan at maging ang isa pang lalaki na makikita sa video na nasa lugar din nang mangyari ang krimen.
Ayon umano sa mga tauhan ng barangay, kilala raw sa lugar si Parpan na runner ng droga.
Nakakuha ang mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen ng mga basyo ng bala mula sa kalibre .45 at 9MM ba baril.
Bago nito, ilang lalaking nakamotorsiklo rin umano ang bumaril at pumatay sa isa pang ama na si Rolando Almojela sa Tramo St. pa rin.
Nasaksihan umano ng walong-taong-gulang na anak ni Almojela ang pagpaslang sa ama na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo.
May iniwan pang sulat ang mga salarin sa tapat ng bangkay ng biktima na may nakasulat na, "marami pa ang susunod na mamamatay, umiwas na kayo sa droga."
Aminado ang mga kaanak ng biktima na dati umano itong nagtutulak at gumagamit ng shabu.
Tulad kay Parpan, ilang basyo ng bala rin ng kalibre .9MM at .45 na baril ang nakuha sa pinangyarihan ng pagpatay kay Almojela.
Inaalam pa ng Pasay police kung magkaugnay o iisang grupo ang nasa likod ng magkasunod na krimen. -- FRJ, GMA News
