Trahedya ang bumungad sa pagbubukas ng bagong NBA season nang mabalian ng paa si Gordon Hayward ng Boston Celtics nang magsalpukan sila sa ere ni Lebron James ng Cleveland Cavaliers.

Ilang minuto pa lang na nagsisimula ang sultada ng dalawang koponan nang magtangkang mag-alley-oop dunks si Gordon pero sinalubong siya sa ere ni Lebron.

Pahigang bumagsak si Gordon at hindi na nakatayo.

Inakala ng ilang nanonoord na natanggal lang ang sapatos ni Gordon sa naturang eksena pero kinalaunan ay nakitang namimilipit sa sakit ang manlalaro at ang matinding pinsala na tinamo niya sa paa.

Sa Timeout report ni Chino Trinidad sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing na-dislocate ang left ankle ni Gordon at napinsala rin ang kaniyang tibia, isa sa mga pinong buto sa kaliwang paa.

Sa social media, inulan ng mga mensahe ng suporta at mga panalangin si Gordon, at isa sa mga unang nag-tweet si Paul George ng Oklahoma City Thunder, na nabalian din ng paa sa ensayo ng team USA para sa FIBA basketball world cup noong 2014.

Nag-tweet din si Shaun Livingston ng defending champions Golden State Warriors na noong 2007 ay muntik nang matapos ang NBA career dahil sa knee injury.

Dinala naman si Gordon sa New England Baptist Hospital sa Boston para sa kaniyang surgery.

Ayon sa report mula sa ESPN at NBC, walang natamaang blood vessel o napunit na ligament sa paa ni Gordon kaya umaasa ang fans, players at coaches na muli siyang makapaglalaro kapag gumaling na pinsala sa paa.

Kapipirma lang ni Gordon noong off season ng kaniyang four-year, $128 million contract sa Celtics. -- FRJ, GMA News