Dalawang traffic enforcer ng Manila Traffic Parking Bureau (MTPB) ang inaresto nitong Miyerkules matapos silang maaktuhang nangongotong sa isang taxi driver. Ang isa pa nilang kasamahan na arestado rin, barangay traffic enforcer pala na nagpanggap na taga-MTPB.
Sa ulat ni Katrina Son para sa "Unang Balita" ng GMA News, sinabing minanmanan ng mga awtoridad ang mga traffic enforcer sa may kanto ng Benavides at C.M. Recto sa Maynila bandang alas-tres ng hapon, kung saan nakuhanan nila sa cellphone video na may kausap na motorista ang tatlo.
Sa kanilang patuloy na pag-obserba, naaktuhan nilang may kinotongan ding taxi driver ang mga enforcer.
"Ang nasa bulsa ng traffic enforcer is P50 coming from the taxi driver who allegedly violated the traffic signal," ayon kay Police Superintendent Amante Daro ng MPD Station 11.
Dito na nila inaresto sina Adrianne Halili at Salvador Ignacio na mga kawani ng MTPB.
Ayon sa mga awtoridad, P500 raw ang unang hiningi ng mga suspek ngunit nagkatawaran kaya nauwi sa P50.
Arestado rin si Leonardo Adrales, isang barangay traffic enforcer na nagpapanggap na taga-MTPB.
Itinanggi ni Adrales ang mga paratang.
"Wala po akong partisipasyon sa panghuhuli dahil hindi po ako nag-a-aprehend. Anong ipapalit ko sa kung mag-a-aprehend ako, wala naman ako paniket. Hindi po ako nangongotong, hindi po ako nangotong."
"Wala po akong kinalaman sa pangongotong na yan. Pinpointed po nu'ng driver kung sino 'yung nakausap niya," pagtanggi rin ni Ignacio.
Hindi naman daw inakala ni Halili na kulong ang kahahantungan ang pagtanggap ng P50 mula sa taxi driver, na kusa raw ibinigay sa kanya.
"Inabot po ng taxi driver, sabi niya po sa akin wag ko na pong tiketan. Ngayon sabi ko po sa kanya, 'Sir wala po sanang problema ito.' Sabi nya 'Oo.' Kaya tinanggap ko po yung P50 'di ko naman po akalain na ganito ang mangyayari sa P50 na yun."
Pag-aamin pa ni Halili, marami talagang motoristang nagbibigay sa kanilang mga enforcer, kung saan umaabot hanggang P400 kada araw ang natatanggap nila.
Dahil naaresto, nagsisi si Halili.
"Pakiusap ko po sana, makapagtrabaho pa rin po ako. Ako po ay nagsisisi sa aking nagawa."
"Halos everyday may tinayo po si director at si mayor na internal affair saka bitag para i-operate lahat ng may complaint regarding sa pangongotong, scalawag kahit illegal towing ino-operate po namin at ipinakukulong po namin," ayon kay Mark Orieta ng Internal Affairs Office MTPB.
Patung-patong na reklamo ang kahaharapin ng mga suspek.
Pinapayuhan ang mga motorista na sumunod sa batas trapiko at iwasan ang maglagay. — Jamil Santos/RSJ, GMA News
