Ipinatawag sa barangay ang isang 35-anyos na lalaki matapos na makunan sa surveillance camera sa loob ng elevator ang ginawa nitong pagsampal sa kasabay na 11-anyos na batang lalaki sa Quezon City. Katwiran ng lalaki, pagod siya nang mangyari ang insidente at pinagsisisihan na raw niya ang kaniyang ginawa.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras," makikita sa video footage ang 35-anyos na lalaki na si Mike Carlos habang nasa loob ng elevator ng isang condominium building sa Cubao, Quezon City.
READ: Cop tagged in beating up 12-year-old in Pasay City
Nasa loob din elevator ang batang biktima na napag-alaman na anak ng isang labandera sa isa sa mga unit ng condo.
Hindi nagtagal, lumabas si Carlos sa elevator pero kapansin-pansin na tila tinapik niya ang pisngi ng bata bago umalis.
Pero bago magsara ang elevator, muling bumukas ang pinto nito at bumalik si Carlos, at dalawang ulit na sinampal ang bata.
Sinabing nangyari ang insidente noong Linggo, Oktubre 15.
Nang makausap ng GMA News ang bata, kapansin-pansin na paika-ika siyang malakad at may mga bukol siya sa balat.
Ayon sa bata, mayroon siyang sakit sa buto.
Nang tanungin kung bakit siya sinampal ng lalaki sa elevator, ikinuwento ng bata na nagtanong lang siya kung pataas o pababa ang elevator.
Pero sumagaot daw ang lalaki na patagilid.
Ikinagulat na lang daw niya nang sampalin siya ng lalaki.
Ayon kay Police Superintendent Benjie Tremor, hepe ng QCPD-Station 7, na nakasasakop sa pinangyarihan ng insidente, maituturing na child abuse ang ginawa ng lalaki sa bata dahil sa ginawang pananakit.
Sa barangay, nakasaad sa blotter na inamin ni Carlos ang pagsampal sa bata at nagkaroon umano ng kasunduan na hihingi siya ng tawad sa kaniyang ginawa at ipapagamot ang bata kung ano man ang tinamong pinsala.
Pero nang makita ng kapitan ng barangay na si Marciano Buena-Agua ang video, muli niyang ipinatawag si Carlos para matiyak na susundin niya ang ipinangako.
Ayon kay Carlos, medyo pagod siya nang mangyari ang insidente at nainis siya sa bata nang inakala niyang sumagot ito ng pabalang.
Pinagsisihan daw niya ang kaniyang ginawa at handa niyang harapin at pananagutan ang nangyayari. -- FRJ, GMA News
