Sa tulong ng residente na nakipagbuno sa salarin, naisagawa ang
facial composite sketch ng lalaking bumaril at pumatay sa isang kapitan ng barangay sa Tondo, Maynila. Ang suspek, iniuugnay din sa isa pang insidente ng patayan.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ng awtoridad na hindi naging madali ang paglarawan sa suspek sa pagpatay kay chairman Arnel 'Bong' Parce ng Barangay 20, Zone 2 ng riding-in-tandem noong Oktubre 12.
Binaril ang punong barangay habang kasama ang ilang tauhan sa gilid ng kalsada. Isang residente naman ang sumaklolo sa biktima at nakipagbuno sa suspek.
Nasugatan din sa tama ng bala sa balikat ang residente pero nakatakas ang suspek. Gayunman, naagaw niya ang baril ng salarin.
Nabuo ang paglalarawan sa salarin matapos ipakita ng mga awtoridad ang isa pang CCTV video kaugnay sa isa pang insidente ng pamamaril sa Tondo noong Mayo kung saan dalawang negosyante ang pinatay.
Sinabi naman ng saksi na tila iisa ang taong pumatay kay chairman Parce at dalawang negosyante sa Parola noong Mayo nang mapanood niya ang mga insidente sa CCTV.
"Nung pinakita natin yan [video], medyo nag-react itong witness-victim natin. Nu'ng i-compare naman 'yan sa CCTV nang nangyari kay chairman Parce, ganu'n din ang reaction niya at tinuturo niya na parang iisa [tao] ito," ayon kay Senior Inspector Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District Homicide.
Lumabas ang sketch ng suspek na nasa 5'3 hanggang 5'4 ang taas, katamtaman ang pangangatawan at maputi ang balat.
Samantala, patuloy pa rin na hindi nagpapakita ang Barangay Ex-O na si Ams Pula Camin na "person of interest" sa pagkamatay ni Parce.
Ayon kay Anicete, may kuha sa CCTV na nakita si Camin na palakad-lakad at tila nagmamanman sa labas ng barangay hall bago pa dumating ang mga suspek.
Nang magkaroon na ng kaguluhan, pumasok lang sa barangay hall si Camin sa halip na tulungan ang mga biktima. Lumabas din umano kinalaunan si Camin at may baril pero nagpaputok lang paitaas nang makaalis na ang mga salarin.
"Imbis na idepensa niya si chairman o kaya itong witness natin, hindi niya 'yan ginawan ng aksyon. Ang pinaka-aksyon na ginawa niya rito nu'ng makalampas sa kanya itong suspek natin, nagpaputok siya pataas. Actually ang tingin nga namin papunta pa sa CCTV [yung putok]," ayon pa kay Anicete.
Hindi rin umano ibinigay ni Camin sa mga pulis ang baril na naagaw ng saksi mula sa suspek. Ang asawa pa mismo nito ang nakakita ng baril sa kanilang bahay at saka isinuko sa mga pulis. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
