Isang lalaki ang binaril at napatay habang sakay ng bisikleta sa Tondo, Maynila nitong Martes ng madaling araw. Ang biktima, sinasabing sangkot umano sa pagtutulak ng droga at pagnanakaw.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Balitanghali," kinilala ang biktima na si Arthur Sarmiento, alias "Atong," na binaril sa Hermosa Street.
Hindi raw residente sa lugar si Sarmiento ngunit palagi umanong nakikita ng mga residente na tumatambay sa riles ng PNR dahil sa hinalang pakikipagtransaksyon tungkol sa droga.
Nasangkot na rin daw sa ilang insidente ng pagnanakaw ang biktima.
"Yan naman kasi hindi tagarito kaya lang madalas napupunta rito gawa nga na may ginagawang transaksyon dito minsan sa riles, minsan na-i-involve siya sa drugs. Minsan may mga tao na rin nagsasalita na nanloloko siya ng tao," ayon sa isang residente.
Isang basyo ng bala mula sa kalibre .45 ang natagpuan sa lugar at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang salarin. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
