Matapos mawala noong Biyernes, natagpuan ang sunog na bangkay ng isang babaeng empleyado ng isang bangko sa loob ng impounding area ng ilang tow truck sa Pasig. Ang biktima, may palatandaan din na ginahasa.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang 23-anyos na biktima na si Mabel Tagala Cama, na unang iniulat ng kaniyang pamilya sa Pasig police na nawawala nitong nakaraang Biyernes ng gabi.

Nitong Linggo ng umaga, nakita ang sunog na bangkay ni Cama sa loob ng compound sa Ortigas Avenue Extension sa Barangay Rosario sa Pasig.

"Kalahati [ng katawan] sunog at nakahubad ang pang itaas na damit," ayon kay  Police Senior Inspector Obet Garcia, Chief  Investigation Division ng Pasig-PNP.

Ayon sa ulat, natagpuan ang underwear ng biktima sa tabi ng kaniyang bangkay at nawawala ang mga personal niyang kagamitan.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulis na sa likod lang ng compound nakatira si Cama kaya sa naturang lugar umano ito halos araw-araw na dumadaan.

Ang naturang compound ang nagsisilbi umanong garahe para sa ilang towing services at ilang  kompanya ng bus.

Mayroon na rin umanong sinusundan ng "lead" ang mga imbestigador pero hindi na muna nila ito isinapubliko. Gayunman, naniniwala ang mga awtoridad na may nalalaman ang mga trabahador na nasa loob ng impounding area sa nangyaring krimen.

"Kung doon nangyari 'yon at may nagsunog pa, maaaring may alam sila. Kaya kung mayroon man, tumulong po kayo sa amin sa pagresolba ng kaso na ito," ayon kay Garcia.

Nakiusap muna ang pamilya ng biktima na hindi na muna magsalita habang hindi pa nahuhuli ang salarin pero hustisya ang panawagan ng mga kaanak ni Cama. -- FRJ, GMA News