Patay ang isang 19-anyos na lalaki at sugatan naman ang kaniyang ina matapos silang pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila. Ang motibo ng pamamaslang, posibleng dahil sa karelasyon ng lalaki.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Keifer Anselmo Ramos na nasawi sa kanilang bahay sa may Alvarado Extension.

Ayon kay Arthur Soriano, barangay chairman ng Barangay 250 Zone 23, tatlong lalaki raw ang pumasok sa tirahan ng mga biktima.

Nagtamo si Soriano ng mga tama ng bala sa ulo at iba't ibang bahagi ng katawan.

Susubukan sanang pigilan ng kaniyang inang si Amapola ang pagpasok ng mga salarin ngunit nagtamo rin siya ng tama ng bala sa balikat at hita.

Nagawa pang iparada ng mga suspek ang kanilang motor sa Abad Santos Avenue saka naglakad sa Sanchez Extension papasok sa eskinita.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng death threat si Soriano na may kinalaman sa kaniyang karelasyon.

Kinukumpirma pa ng mga awtoridad kung ito ang motibo sa pamamaslang. — Jamil Santos/MDM, GMA News