Mula sa videoke bar, sa kulungan bumagsak ang isang lalaki matapos masangkot sa gulo dahil umano sa pakikipag-agawan sa mikropono para makakanta.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, inabutang nakadetine sa Station 1 ng Quezon City Police District si Emilio Culambo matapos ireklamo ng panggugulo sa isang videoke bar sa Kamias.

Kuwento ni Culambo, sa grupo niya ang kanta sa videoke pero inagaw daw ng mga umiinom sa kabilang lamesa ang mikropono kaya nagkaroon ng gulo.

Pero iba ang kuwento ng kusinero ng bar na si Rodil Silvino, na sinabing si Culambo at mga kasama nito ang nag-away  sa bar dahil sa pag-aagawan sa mic.

Nagwala umano si Culambo at hindi na nagpaawat nang sapakin ng isa niyang kainuman.

Sa gitna ng kaguluhan, nagawang makatakbo ng mga kagrupo ni Culambo hanggang sa siya na lang ang maiwan kaya dinala sa barangay bago inilipat sa presinto.

Gusto ng may-ari ng bar na bayaran ni Culambo ang mga nabasag niya at ang nainom ng kaniyang grupo. -- FRJ, GMA News