Nasunog ang ika-apat na palapag ng gusali ng isang litsunan sa Quezon City nitong Miyerkoles ng gabi, na umabot pa sa ikalawang alarma.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Unang Balita," sinabing sumiklab ang apoy sa gusali ng Elar's Lechon, Quezon Avenue, ng nasabing lungsod pasado 10:30 p.m.

Ayon kay Nelson De Leon, empleado ng litsunan, nasa unang palapag daw siya nang sabihan siya ng guwardiya na may sunog, kaya agad siyang tumawag sa barangay.

"Kinabahan na po kami dahil parang palaki nang palaki 'yung sunog eh. Eh 'di nakagulo na po kami, pinatay po namin 'yung mga switch doon sa mga gasul, tapos sa likod [tiningnan] namin 'yung mga ibang kuryente po," pahayag ni De Leon.

Nagdagsaan ang mga truck ng Bureau of Fire Protection at fire volunteers, at nagtulong-tulong kaya hindi sila nahirapan sa pagpatay ng apoy.

Nagdeklara ng fire out ng 11:25 p.m.

Sinabi ni San Antonio Fire sub-station commander Senior Inspector Joseph Del Mundo na sa bodega sa ika-apat na palapag nagmula ang apoy.

Patuloy namang iniimbestigahan ng sanhi ng sunog. 

"'Yung mga gamit po du'n, nasunog po lahat," sabi ni Del Mundo.

Mabuti umano na limitado lamang ang apoy sa isang kuwarto.

"'Yun po ang maganda kasi na-confine lang po sa isang kuwarto," pahayag ni Del Mundo.

Hindi rin matiyak ng mga may-ari ang pinagmulan ng apoy, pero pagtitiyak nila, hindi raw apektado ng insidente ang mga order ng mga customer sa Pasko.

"We would just like to assure our clients na everything's okay. Don't worry about your orders for tomorrow, everything's in order. Tuloy pa rin naman since hindi naman dito yung roasting area namin," saad ni Elar's Lechon head for operations Michelle Basilio.

Tinatayang aabot sa P30,000 ang naidulot na pinsala ng sunog.

Nagpaalala ang BFP sa publiko na tiyaking maayos ang mga electrical wiring at kung hindi ginagamit, huwag iwang nakasaksak ang appliances. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News