Sina Yeng Constantino at Gloc-9 ang mga bagong coach sa bagong season ng "The Voice Kids Philippines!"
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa "24 Oras" nitong Huwebes, ibinahagi ng dalawang artist ang kanilang kasabikan na makasama si Julie Anne San Jose sa hanay ng mga coach.
Ayon kay Yeng, ang singer-songwriter sa likod ng mga hit song na "Hawak Kamay" at "Salamat," isa itong proyektong matagal na niyang inaasam sa ilalim ng GMA Network.
"Siyempre po ano bilang isang mang-aawit, 'yung maging coach ka ng The Voice, isa 'yan sa mga checklist na gusto mong magawa sa iyong career and I'm just so grateful na ibinigay ito ng Panginoon in his right time," saad niya.
Samantala, sinabi ni Gloc-9, ang Filipino rapper na nasa likod ng mga awiting "Upuan," "Sirena," at iba pa, na hindi lamang siya magbabahagi ng kaalaman bilang coach.
"Siguro kahit tawag nila sa akin coach dito, I'm sure marami akong matutunan sa aking mga fellow coaches, siyempre si Julie, si Yeng and 'yung mae-encounter and mami-meet naming mga batang singers," ayon kay Gloc-9.
So what are the qualities they are looking for from the contestants?
Nang tanungin kung ano ang mga katangiang hinahanap nila sa mga kalahok, sinabi ni Yeng, "Ako gusto ko po talaga 'yung something unique, 'yun po talaga 'yung may identity pagdating sa pagperform. Gusto ko po 'yung marubdob kumanta,"
Sabi naman ni Gloc-9, "Iikot ako 'pag tama 'yung sabi ni yeng 'pag unang line pa lang nakuha mo na ko. Parang regardless kung nasa mataas 'yung note ka nung song and alam mo naman unang timbre pa lang pagkanta."
Si Julie Anne, na nasa ikaapat na taon na bilang coach ng "The Voice Philippines," nagbigay rin ng payo sa kaniyang mga bagong kasamahan tungkol sa kanilang aasahan sa kompetisyon.
"Be ready kasi ano siya, mind heart and soul talagang apektado ka. As in it's a great experience pero nakakakaba but at the same time ano siya paglalaruan 'yung emosyon mo especially we're dealing with kids," saad niya.
Mapapanood pa rin ang bagong season ng "The Voice Kids Philippines" sa GMA Network. —FRJ GMA News
