Pinuna ni Angel Locsin nitong Huwebes si Senator Robin Padilla matapos sabihin ng actor-politician na isa siyang "komunista" sa ginanap na Senate impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Martes.

"Ang tanong ko lang, nasaan ka nu’ng panahong nirered-tag ako kahit alam mong hindi totoo? Actually, kasama mo pa nga at kachikahan 'yung mga nangre-red-tag. Naghugas-kamay at pumikit sa katotohanan," puna ni Angel sa social media post.

Sa naturang paglilitis, inamin ni Padilla na isa umano siyang komunista nang tanungin niya si National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Jeremy Lotoc tungkol sa "Oplan Romanov."

Sinabi ni Padilla na dapat na ituring isang banta ang "Operation Romanov" laban sa mga matataas na pinuno ng bansa na lumaban sa komunismo, kabilang ang mga pamilya ng mga Marcos at Duterte, at maaaring kasama rin ang Bise Presidente.

"Hindi ba po dapat isipin natin na 'yong Romanov ay tungkol sa threat na pumapasok sa mga pamilya ng mga namumuno dito sa ating bayan na lumalaban sa komunista? Komunista po ako, gusto ko lamang pong alam din ninyo," sabi ni Padilla.

Kaugnay, sinariwa ni Angel kung paanong ikinuwento umano ni Padilla sa kaniya ang tungkol sa karanasan nito na nakikipaglaban para sa bayan sa kabundukan.

"Nung mga panahong magkasama tayo, madalas mong ikuwento 'yung panahon na namundok ka at nag-armas para ipaglaban ang bayan. Sabi mo pa nga, dinadalaw ka ng ex mo sa bundok," sabi ni Angel.

"Sa statement mo na 'to, kahit papaano, natuwa akong makita ulit 'yung dating Robin Padilla na nakilala ko. At least, honest ka ngayon, Kuya," patuloy ng aktres.

Nai-tag ni Angel ang social media account ni Padilla sa kaniyang post, ngunit wala pang komento ang actor-politician tungkol dito.

Nakipag-ugnayan na ang GMA News Online kay Padilla para sa komento nito, ngunit hindi pa siya sumasagot sa oras ng paglathala.

'Tama na kuya'

Sa kaniyang post sa social media, inalmahan din ni Locsin ang mga posisyon ni Padilla sa mga kasalukuyang isyu, kabilang ang pananaw ng senador sa West Philippine Sea.

"Isa ka sa pinakamakabayang taong nakilala. Ikaw si Andres Bonifacio. Kaya nakakalungkot pag nakakabasa ako ng stand mo pagdating sa China. Hindi ito ang Robin Padilla na nakilala at hinangaan ko," sabi ni Angel.

Binatikos din ng aktres si Padilla dahil sa pagtatanggol umano kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy, na nahaharap sa mga kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking ng mga bata, at bulk cash smuggling.

"Isa sa mga pinakamalaking dahilan kung bakit ka binoto ng maraming Pilipino ay dahil inasahan nilang magiging matapang kang boses para sa mga kapatid nating Muslim. Pero bakit parang mas ipinaglalaban mo pa si Quiboloy? Naniniwala ka ba talaga na siya ang 'appointed son of God'?" tanong ng aktres.

Hiniling niya si Padilla na gumising na at ipinaalala rito na may utang na loob siya sa bansa at hindi lang sa iisang tao.

"Kahit paano, alam kong halos pareho tayong landas na dinaanan. Galing sa hirap, nagtrabaho nang maaga, tinangkilik at nakapagpasaya ng mga tao. Ang utang na loob natin ay sa ating Diyos at sa lahat ng Pilipino —hindi lamang sa isang tao," sabi ni Angel.

"Tama na, Kuya. Gising na. Hindi pa huli ang lahat," dagdag niya.-- Jamil Santos/FRJ GMA News