Sa kabila ng sweetness nila sa isa’t isa, inilahad nina Dustin Yu at Bianca De Vera na wala pa sila sa opisyal na relasyon, at hindi naman sila nagmamadali.
Sa kanilang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, sinabi ni Dustin, “Honestly tito, naghihintay na lang talaga ako ng sagot.”
"And kung talagang kailangan ko maghintay habangbuhay, gagawin ko," pagpapatuloy ng aktor.
Si Bianca naman, sinabing hindi sila nagmamadali ni Dustin na dalhin ang kanilang pagkakaibigan, sa pagiging nagka-ibigan.
"I think hindi rin naman kami nagmamadali. I mean, we have so much time together," sabi ni Bianca.
"I mean, Dustin is a great guy. I think he is the most consistent man I've ever met in my whole life, well of course besides my dad," dagdag ni Bianca. "Grabe din kasi manindigan si Dustin, which I admire very much."
Dugtong ni Dustin, sinisiguro naman nilang ine-enjoy nila ang kanilang samahan.
Kasama sina Dustin at Bianca sa 20 housemates ng unang season ng "Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition." Kabilang ang kanilang tandem na DustBia sa mga pinakasikat na ships na napanood sa programa.
Bumida na rin sila kasama ang kanilang mga kapwa housemate sa "The Secrets of Hotel 88."
Bumida rin ang DustBia sa music video ng The Juans para sa "Ngiti" at music video ng Lily para sa "Kinakabahan."
Isasagawa ang "DustBia Love, Actually" fan meet sa New Frontier Theater sa Quezon City sa Agosto 8.—FRJ GMA News
