Sinagip ng mga awtoridad ang limang tuta na pinaniniwalaang iniwan sa isang masukal na bakanteng lote sa Barangay Datu Abdul, Panabo City, Davao del Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Panabo City Fire Station matapos makatanggap ng impormasyon at tulong mula sa Panabo Animal Rescue Volunteers (PARVO).
Kaagad namang tumugon ang BFP na nagtungo sa lugar upang isa-isang kunin ang mga tuta.
Kasalukuyang nasa pangangalaga na ng PARVO ang mga tuta, at binibigyan sila ng wastong pag-aalaga, pagkain, at pansamantalang masisilungan.
Kasunod ng insidente, muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na maging responsableng pet owner at iwasang pabayaan o abandonahin ang kanilang mga alagang hayop. – FRJ GMA Integrated News
