Tinatayang 3,000 Pilipinong marino ang nananatili sa Strait of Hormuz, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac nitong Huwebes.
“The good news din sa kanila, ‘yung mga naiwan sa loob, is may adequate supply sila. We are monitoring on a 24/7 basis through their licensed manning agencies and shippowners,” pahayag ni Cacdac sa panayam ng Super Radyo dzBB.
Nilinaw din ni Cacdac na hindi bihag ang mga marinong Pinoy.
“Hindi po sila nakatengga doon or idle, held hostage or ano pa man. Sila ay naninilbihan, patuloy ang paggawad sa kanilang mga benepisyo at suweldo sa kanilang mga pamilya,” dagdag ng kalihim.
“Their ships continue to be seaworthy, puwedeng-puwede maglayag, hindi sila nalalagay sa alanganin o panganib bagamat nasa loob sila sa Persian Gulf,” paglilinaw pa ni Cacdac.
Exit
Samantala, sinabi ni Cacdac na nasa 3,718 Pilipinong marino na ang nakalabas sa Strait of Hormuz.
“Marami na nakalabas pero meron pa rin malaking bilang na naiiwan at representing around 400 ships ‘yung tatlong libong tripulante,” anang kalihim.
Ayon pa kay Cacdac, dalawang barko na may tig-15 Pilipinong tripulante ang matagumpay na nakalabas sa Strait of Hormuz noong Hulyo 6 at Hulyo 7, ngunit inatake ang mga ito.
Gayunman, nagawa naman umanong makalabas ang mga barko sa Strait of Hormuz.
“Pero sa ngayon, sarado muli [ang daluyan], nagbabalak muli na lumabas ng Strait of Hormuz ang mga barko,” ani Cacdac.
Muling naipit ang mga barko na dumadaan sa Strait of Hormuz magkaroon magpalitan na naman ng pag-atake ang Amerika at Iran.—Joahna Lei Casilao/ VAL GMA News

