Mainit na pinag-usapan kamakailan sa social media ang isang house blessing na ginanap sa San Nicolas, Ilocos Norte. Ang sinasabing nagpabasbas ng magandang bahay, isang Pinay na nasa Canada. Pero biglang natigil ang selebrasyon nang may magreklamo—ang tunay na may-ari ng bahay na nasa Hawaii. Ano nga ba buong kuwento sa kontrobersiyang ito? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ang video footage sa idinaos na naturang house blessing para sa dalawang palapag na bahay na may swimming poll at dalawang villas.

May mga bisitang dumating, may pari, at may pa-catering pa. Pero hindi na natapos ang selebrasyon nang ipag-utos ng tunay na may-ari ng bahay na walang basbas niya ang naturang house blessing.

Ang tunay na may-ari ng bahay, nakilala na si Lucky Joy Dumlao, negosyante na naka-base sa Hawaii, kasama ang pamilya.

Ang pagiging mag-ari ni Lucky Joy sa bahay, pinatotohanan ni Julio Vales, ang arkitekto ng bahay, at may hawak ang certificate of title.

Ayon kay Joy, nasa Hawai na siya mula noong 2009 matapos siyang ipetisyon ng asawa, at pagpaparenta ng sasakyan ang kanilang negosyo doon.

Kuwento pa ni Joy, first investment nila ng kaniyang asawa sa Pilipinas ang ipinagawang bahay sa Ilocos na natapos noong 2023.

Dahil minsan lang sila umuwi ng Pilipinas, naisipan nila Joy na parentahan ang bahay.

Isa raw sa kanilang naging kliyente ang isang Pinay na nagpakilalang duktor na nasa Canada na itinago sa pangalang “Marie.”

Ayon kay Joy, naging maayos naman ang transaksyon noong nirentahan ni Marie ang bahay.

Hanggang sa muli itong tumawag sa kaniya noong nakaraang Disyempre para rentahan ang bahay hanggang sa Enero.

Kinalaunan, nagpahiwatig umano si Marie na gusto na nitong bilhin ang bahay. Ayon kay Joy, papayag siya kung magkakasundo sila sa presyo na P20 milyon.

Tumawad naman daw si Marie ng P19 milyon, at pumayag naman si Lucky Joy.

Dahil dito, binalak ni Joy na umuwi sa Pilipinas para asikasuhan ang deed of sale. Subalit hindi naman daw kaagad nagbayad si Marie, at idinahilan na may hinihintay lang umano sa kaniyang account.

Kaugnay nito, inabisuhan ni Joy si Julio tungkol sa planong pagbili ni Marie sa bahay. Pero kahit hindi pa nagbabayad at hindi naililipat sa kaniya ang titulo ng bahay, ipina-renovate na raw ni Marie ang bahay.

Napaniwala naman si Julio na makukuha ni Marie ang bahay at pumayag siyang isagawa ang renobasyon at inabonohan ang gastos na P180,000.

Ngunit hindi lang si Julio ang kinausap umano ni Marie kung hindi ang iba pang kakilala ni Joy na caterer. Ang sinasabing magpapa-dinner lang, lumabas na pa-blessing pala, at kasamang pinapunta ang ilang namamahala sa bahay ni Joy.

Nang malaman ni Joy ang pa-blessing, kaagad niyang sinabihan si Julio na ipatigil ang selebrasyon dahil siya pa rin ang may-ari ng bahay, at walang bayad na ibinigay si Marie.

Ngunit kahit natigil ang kontrobersiyal na house blessing, hindi naman natigil ang iba pang reklamo tungkol kay Marie na umano’y “nabiktima” rin nito. Kabilang ang isang may-ari ng lupain na bibilhin daw nito upang gawing resort na nagkaroon pa ng “ground breaking.”

Sino nga ba si Marie at modus nga ba ang kaniyang ginagawa? Tanghayan sa video ng “KMJS” ang buong kuwento. Panoorin.—FRJ GMA News