Isang 50-anyos na babae ang nasawi matapos pagbabarilin habang nagpapahinga sa e-trike sa Cebu City.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Balitanghali nitong Biyernes, lumabas sa imbestigasyon na isang lalaking nakahelmet ang lumapit sa biktima at pinagbabaril ito.

Nagtamo ng mga tama sa ulo ang biktima na kaniyang ikinasawi.

Tumakas ang gunman at ang kaniyang kasama sakay ng motorsiklo.

Sinabi ng pulisya na posibleng may kaugnayan sa ilegal na droga ang motibo sa pagpatay.

Hawak na nila ang CCTV footage ng insidente, ngunit hindi pa isinasapubliko habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. —Jamil Santos/VBL GMA News