Sumuko na sa pulisya sa Eastern Samar ang suspek sa pagpatay ng isang mag-ina sa General Trias, Cavite. Ang suspek, sinasabing kababata at may relasyon sa ginang na biktima.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Ruel Cabatingan, 36- anyos, at isa ring overseas Filipino worker.
Si Cabitingan ang pinaniniwalang pumaslang sa mag-inang Ruby at Shaniah Gamos, na nagtagpuan ang mga labi sa kanilang bahay sa General Trias sa Cavite noong December 11.
Bago sumuko nitong Huwebes ng umaga, nag-post si Cabatingan sa kaniyang social media account ng mga larawan na kasama ang mag-inang biktima.
Sinabi rin niya rito ang kaniyang nagawa sa mga biktima at paghingi niya ng tawad.
Ayon sa Cavite police, magkababata sa Irosin, Sorsogon ang suspek na si Cabatingan at ang ginang na biktima na si Ruby, ang mister nitong seaman na si Marlon Gamos.
Lumilitaw na childhood sweethearts umano sina Cabatingan at Ruby, pero kalaunan ay si Marlon ang nakatuluyan ng ginang.
Hinala ni Senior Superintendent William Segun, Cavite Police Director, posibleng nagalit at nagselos ang suspek dahil ikakasal na simbahan ang mag-asawa.
Ayon pa sa pulisya, maaaring naging madalas umano ang pagpunta ng suspek sa bahay ni Ruby mula nang umalis si Marlon noong Hunyo.
Nang suriin noon ang crime scene, walang nakitang bakas na puwersahang pumasok ang salarin sa bahay. Maaaring pinatay daw ang limang-taong-gulang na si Shaniah dahil kakilala niya ang suspek.
Nilinis din daw ang crime scene at pinagmukhang pagnanakaw ang motibo sa krimen.
Naging matipid ang naman si Ruel na magbigay ng impormasyon tungkol sa kaniyang asawa at suspek.
"Wala naman siyang naikukuwento maliban sa kaaway niya dati, yung sa Facebook," ayon sa mister.
Samantala, humingi naman daw ng tulong sa Public Attorney's Office ang suspek pero posibleng hindi na ito mapagbigyan dahil sa "conflict of interest" dahil una nang binigyan ng PAO ng legal na ayuda si Marlon para sa pinaslang niyang mag-ina. -- FRJ, GMA News
