Asahan na ang pagtaas sa babayarang singil sa kuryente simula sa Pebrero dahil sa patong na buwis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o Train Law. Pero bago nito, makakatikim muna ng bawas sa singil sa kuryente ngayong Enero ang mga kliyente ng Meralco.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing bababa ang singil sa kuryente ng 53 sentimos per kilowatt hour sa January bill dahil sa pagbaba ng generation charge at iba pang charges.
Ang bahay na kumukunsumo ng 200 kwh hour, makakamenos umano ng mahigit P105.
Ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita Meralco, ito na ang ikalawang sunod na pagbaba sa singil sa kuryente na may kabuuang 90 sentimos.
Pero simula sa susunod na buwan, tataas naman ang singil sa sandaling mararamdaman na ang epekto ng Train law kung saan tataas ang excise tax sa coal at mga produktong petrolyo na ginagamit na panggatong ng mga power plant para makagawa ng enerhiya.
Maliban pa iyan sa pagpataw muli ng value added tax o VAT sa transmission charge.
Ayon kay Larry Fernandez, Head of Utility Economics, Meralco, mangyayari ang taas-singil kapag ipinataw na ng mga supplier at National Grid Corporation Of The Philippines ang dagdag na singil sa Meralco.
"Mag-a- apply lang yun excise taxes for purchases of coal this 2018. So if they have coal stocks from last year, wala pang excise tax 'yon. Malamang magiging staggered effect ng excise tax," sabi ni Fernandez.
Sinabing 76 setimos per kwh ang dagdag singil dahil sa excise tax at 7 sentimos per kwh naman para VAT sa transmission charge.
Ayon kay Meralco, maliit pa raw ang mangyayaring pagtaas kumpara sa ibang distribution companies at power cooperatives dahil malaking bahagi ng supply ng Meralco ay natural gas na hindi sakop ng dagdag-buwis sa ilalim ng Train law.
Sa ilalim ng Train law, pinatungan ng P2.50 per liter na buwis ang diesel at gas. Habang itinaas sa P50 mula sa P10 per metric ton ang excise tax sa coal.
Pero may panibagong yugto pa ng taas sa buwis sa mga produktong petrolyo sa susunod na dalawang taon. -- FRJ, GMA News
