Naiuwi na sa bansa ang labi ng Overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Jill Muya na nakitang patay sa kaniyang tinutuluyan sa Abu Dhabi. Pero ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, hindi pa rin malinaw sa kaniyang pamilya.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, makikita ang labis na pighati ng mga kamag-anak ni Muya na 20 taong nagtrabaho sa Abu Dhabi.

Noong nakaraang December 31, 2025 nang makitang patay si Muya sa loob ng kaniyang kuwarto sa Abu Dhabi. Hinala ng kaniyang mga kaanak, may foul play sa kaniyang pagkamatay.

Mula sa airport sa Iloilo, dinala ang mga labi ni Muya sa isang funeral parlor bago iuuwi sa kaniyang bayan sa Jaro, Iloilo City.

“Dahil nasa freezer siya, hinihintay pa bago ma-embalsamo. Sabi sa amin ng OWWA na baka matagalan ang forensic report so nagdesisyon kaming unahin na lang ang remains ni mama,” ayon sa anak ni Muya.

Nagpasalamat ang pamilya ni Muya na naiuwi na ang kaniyang mga labi, kasabay ng patuloy nilang panawagan para alamin ang katotohanan sa kaniyang pagkamatay.

Tiniyak naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 6 ang tulong sa pamilya ni Muya. – FRJ GMA Integrated News