Natukoy na ang pagkakakilanlan ng rider na hindi kaagad nagbigay-daan sa truck ng bumbero na reresponde sa sunog sa Bacolod City. Ang rider, napag-alaman na walang balidong lisensiya at hindi rin nakarehistro ang gamit na motorsiklo.

Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente nitong nakaraang Enero 15 sa Barangay Alijis.

Sa nag-viral na video, makikita ang rider na nasa harapan ng isang firetruck ng Bureau of Fire Protection (BFP) na tumutunog ang sirena, pero hindi gumigilid kahit binubusinahan na at sinisigawan na tumabi.

Nang magsagawa ng imbestigasyon ang Land Transportation Office (LTO) Negros Island Region (NIR), natukoy ang pagkakakilanlan ng rider at napag-alaman din na hiram lang ang ginamit na motorsiklo.

“Na-identify na natin at na-serve na natin ang show cause order kahapon sa identified owner at sa driver. Nakita natin sa investigation na walang valid driver's license ang driver at the same time, ang motor unregistered,” ayon kay Jeck Conlu, officer in charge ng LTO-NIR.

Idinagdag ng LTO-NIR na ang ginawa ng rider ay malinaw na paglabag sa Section 48 of Republic Act 4136, o reckless driving, at paglabag din sa Section 49 para sa mga motorista na dapat magbigay-daan sa mga emergency vehicles gaya ng firetruck at police patrol car.

Sa ilalim ng Section 29 ng nasabing batas, may pananagutan din ang may-ari ng motorsiklo na inimpound ng LTO-NIR.

Samantala, iniimbestigahan din ng LTO-NIR ang isang video na nahuli-cam naman ang isang rider na may angkas na babae na nag-overtake sa isang passenger jeep sa Bacolod City habang papaakyat sa flyover sa Magsaysay Street kahit pa may solid double yellow lane.

“Na-receive na natin itong isa pang video. Kahapon ng hapon, ipinag-utos na natin ang investigation sa nag-overtake sa ating flyover. Malinaw namang double yellow lane. Very dangerous,” ayon kay Conlu tungkol sa ginawa ng rider.—FRJ GMA Integrated News