Nasawi ang isang 46-anyos na traffic enforcer matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa kasalubong na kotse sa Opol, Misamis Oriental. Ang biktima, nag-overtake umano kaya nangyari ang aksidente.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ng insidente nitong Linggo sa Barangay Barra.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi ang biktima sa Cagayan de Oro City, nang subukan niyang mag-overtake umano sa isa pang sasakyan at bumangga sa nakasalubong na kotse.
Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon ang biktima, at hindi na umabot nang buhay sa ospital.
Ayon kay Misamis Oriental Police Provincial Office Spokesperson Capt. Geraldine Botanas, nawalan din ng kontrol ang 33-anyos na driver ng kotse na dahilan upang sumalpok ang kaniyang sasakyan sa isang parking area at nabangga ang limang motorsiklo.
Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang driver pero pinakawalan din nitong Lunes, matapos na magkaroon ng pag-uusap sa mga may-ari ng nadamay ng motorsiklo. – FRJ GMA Integrated News
