Dahil matagal nang gumaganap bilang bida, inihayag ni Kris Bernal na gusto niya namang masubukang maging isang kontrabida. Kaya naman enjoy siya sa kaniyang karakter sa “House of Lies.”

Sa nakaraang episode ng “All Out Sundays,” sinabi ni Kris na pangarap niyang makatrabaho si Beauty Gonzalez, na co-star niya sa bagong Kapuso series.

“Siyempre, unang una, ang mamalditahan ko ay si Miss Beauty Gonzalez. Hindi talaga ako hihindi. Gusto ko talaga siyang makatrabaho,” sabi ni Kris.

Bukod dito, sinabi ni Kris na naaaliw siya sa pagganap niya sa kaniyang karakter na si Althea Torrecampo o Thea.

“Saka siyempre, kasi ‘di ba ang tagal na puro bida ako, ako ‘yung kawawa. This time naman gusto ko naman subukan talaga magkontrabida. At least maraming layers ‘yung character,” sabi niya.

“At saka hindi lang siya basta nananakit. May lalim talaga. May sarili siyang kuwento. May sarili siyang mga kasinungalingan sa buhay,” dagdag pa ni Kris.



Bago nito, nauna namang inihayag ni Kris na nahirapan siya sa love scenes sa “House of Lies.”

“Hirap na hirap ako sa mga love scenes. Hindi kasi ako comfortable na may kahalikan ako na hindi ko naman close or hindi ko ano. Siguro nung single ako, OK lang. Pero ngayong kasal na ako, may anak na ako, parang medyo nako-conscious na ako na 'ano kayang iisipin ng asawa ko pag napanood niya ito?' Hindi ko na nga binabanggit,” sabi ni Kris.

Dagdag pa ni Kris, hindi niya papayagan ang asawang si Perry Choi na mapanood ang mga eksena, ngunit kinumpirma niyang alam ng kaniyang mister na may kissing scenes siya.

“Intense ‘yung mga love scenes. Kasi dati naman parang OK, dito-dito lang, ganyan. Ito parang abot hanggang buong katawan. Oh my God. Nagki-cringe talaga kapag ginagawa ko nun. Eh 'yung character ko pa naman, kailangan ako 'yung seductive. Ako 'yung parang nagti-tease. Ako ang mag-aagaw. Inaakit ko silang lahat,” sabi pa niya.

Nag-premiere ang “House of Lies” nitong Lunes kung saan bahagi rin ng cast sina Mike Tan, Martin del Rosario, Jackie Lou Blanco, Snooky Serna, Kokoy De Santos, at marami pang iba.

Napanonood ang House of Lies ng 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime. – FRJ GMA Integrated News