Maglalabas ng website at Facebook page ang hepe ng Land Transportation Office (LTO) upang tumanggap ng mga sumbong laban sa pasaway na mga motorista at maging mga tauhan ng ahensiya.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabi ni LTO chief at Transportation Assistant Secretary Markus Lacanilao, na tatawaging “Isumbong Mo Kay Chief” ang naturang portal na inaasahang mailulunsad sa susunod na linggo.

Bagaman naipaparating na ang mga sumbong sa kasalukukuyang Facebook page ng LTO na karaniwang tungkol sa mga pasaway na motorista, sinabi ni Lacanilao na maging ang mga pasaway nilang tauhan sa ahensiya ay maaaring isumbong sa portal para maaksyunan nila.

Ipinaliwanag din ng opisyal na siya mismo ang tumitingin sa mga sumbong kaya tiniyak niyang maaaksyunan ang mga problemang idudulog sa kanila.

Sinabi rin ni Lacanilao na sa portal na “Isumbong Mo Kay Chief,” maiiwasan din ang paglabas o pag-leak ng impormasyon o sumbong, lalo na kung tungkol ito sa mga pasaway na tauhan ng LTO.

Ayon pa kay Lacanilao, sadyang dumadami ang mga motoristang pasaway at walang disiplina sa daan kaya malaki ang maitutulong kung makukuhanan ng video o larawan ang insidente at isumbong sa kanila para kanilang maaksyunan.

Babala rin ng opisyal, mas mabigat ang parusang ipapataw ng LTO sa mga motoristang mananakit, lalo na kung may mamamatay, na maaaring humantong sa pagbawi sa kanilang lisensiya para magmaneho.

Sunod-sunod ang mga pinadalhan ng LTO ng show cause order (SCO) nitong mga nakalipas na araw. Kabilang dito ang driver ng pickup truck na nakasagasa at nakapatay ng batang babae sa Ilocos Sur; ang tricycle driver sa Quezon City na nag-counter flow umano; ang driver ng sports utility vehicle na may blinker ang sasakyan at dumaan sa bike lane;at  isang kawani ng gobyerno na nanuntok umano ng kapuwa motorista.-- FRJ GMA Integrated News