Ibinahagi ni Mikoy Morales na minsan na siyang pinormahan ng isang babaeng may karelasyon na. Alamin kung paano niya tinapat ang babae.

Sa guesting nina Mikoy at Arra San Agustin sa “Your Honor,” tinanong si Mikoy kung may babaeng may jowa o asawa na pero nagparamdam pa rin na may gusto sa kaniya.

“Medyo nakakatakot nga ‘yun,” sagot ni Mikoy na mahina ang boses at tila nahihiyang ikuwento.

Ayon sa host na si Chariz Solomon, alam niya ang naturang kuwento ni Mikoy.

Kaya naman ginusto ni Mikoy na si Chariz na lang ang magtuloy ng kuwento.

“Feeling ko tapusin na lang niya ‘yung sagot ko. Alam naman niya eh,” natatawang sabi ng aktor.

Ngunit tanong ni Chariz sa kaniya, “Anong ginawa mo?”

“Hinayaan ko na lang. Pinalipas ko lang,” sagot ni Mikoy, na tila namumula.

“Paanong biglang nag-halt na ‘yung pag-flirt niya sa 'yo?” dugtong na tanong ni Arra.

“Hindi ko alam. Hindi ko alam. Wala na lang. Ate Cha tapusin mo,” sagot ni Mikoy, na tila umiiwas nang magdetalye pa.

Ibinahagi ni Chariz na kilala nila ang babae, na tinapat umano ni Mikoy kalaunan.

“Sinabi niya (Mikoy) 'yung totoo. ‘I don't want to be awkward with you,’” kuwento ni Chariz. Nakakasama-kasama kasi. Parang ayaw niya (Mikoy).”

Ayon kay Chariz, alam ng non-showbiz girlfriend ni Mikoy na si Isa Garcia ang lahat ng mga naka-fling nito.

Para naman kay Mikoy, maigi nang inilahad na niya noon kay Isa ang mga detalye tungkol sa kaniya para agad nang magkaalaman kung matatanggap pa rin nila ang isa’t isa.

“Lahat, lahat. Alam niya lahat. Kasama ‘yun sa vibes check eh. Specifically kay Isa. Unang bungad namin sa isa't isa na ‘Ito lahat ng baho ko. So take it or leave it na agad.’ Para hindi na dadating pa sa point na ‘Ay, oo nga pala. Naalala ko dati may nagawa akong ganito,’” sabi ni Mikoy.

“Nu’ng na-feel ko na parang may pupuntahan ‘to, nilatag ko na lahat. Transparent na agad. Parang malalaman na agad ‘di ba? ‘Kung magbabago tingin mo sa akin, baguhin mo na. Tingnan na natin kung okay sa 'yo o hindi. Kung hindi, e ‘di as early as now, tara na, move on na tayo,’” pagpapatuloy niya.

Hinangaan naman ni Chariz si Isa sa maturity nito na tanggapin si Mikoy.

“Ang ganda nu’ng nag-enter si Isa sa relationship na ganiyan ka-mature, ang ganda nu’ng effect din sa kaniya as a person,” sabi ni Chariz.

Engaged na si Mikoy kay Isa, at nakatakda silang ikasal sa darating na Marso.

Kamakailan lang, nag-viral ang kaibigang komedyante ni Mikoy na si John Feir, matapos akalain ng huli na ngayong Enero ang kasal ng aktor pero ibang kasal pala ang napuntahan. -- FRJ GMA Integrated News