Isang bangkay ng lalaki na nakabalot ng kumot, naka-plastic ang ulo at may nakabaong martilyo sa noo ang natagpuan sa gilid ng highway nitong Huwebes sa Caloocan City.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "Balitanghali," sinabing natagpuan ng SOCO team ang bangkay sa isang subdivision sa Barangay 183 North ng nasabing lungsod.
May nakabaon pang martilyo sa kanang bahagi ng noo ng biktima at nakagapos din ng masking tape ang mga kamay nito.
Nakasuot ng dark green na polo shirt na may halong grey at red, at naka-skinny jeans ang biktima.
Ayon sa inisyal na pagsusuri, walang nakitang tama ng bala o saksak sa katawan ng biktima.
Sinabi ni Senior Inspector Jerald Rivera, deputy commander ng Police Community Precinct-4 ng Caloocan, na iniulat daw ng ilang motorcycle rider sa kanila pasado 7:30 ng umaga na may nakita silang tila tao na nakabalot ng kumot sa gilid ng highway.
Sa tantiya ng mga awtoridad, bandang 1 a.m. hanggang 2 a.m. itinapon ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang bangkay.
Sinabi naman ng mga residente malapit sa lugar na wala silang napansin o narinig na kakaiba sa mga oras na iyon.
Palaisipan pa sa mga awtoridad ang motibo at kung sino ang gumawa ng krimen.
Wala rin daw CCTV sa lugar, na nasa pagitan ng ng La Mesa Dam at ng madamong bahagi ng subdivision.
"So far sir ngayon lang po kami nakaresponde ng ganito na insidente na may martilyo sa ulo. So far may mga anggulo pa na dapat alamin dito, 'pag may progress na lang magbibigay [kami] ng statement," pahayag ni Rivera.
Isasailalim sa awtopsiya at DNA test ang biktima. Dinala na sa punerarya ang bangkay. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
