Pinatay ng isang lalaki na umano'y nagsawa na sa pagiging under de saya ang kaniyang asawa nitong Linggo ng gabi sa Barangay Holy Spirit, Quezon City, ayon sa ulat ni Jay Sabale sa "Unang Balita" nitong Lunes.
Nakita ng ilang bata ang mga putol na katawan ng biktima sa labas ng kanilang bahay. Kaagad na nagsumbong ang mga bata sa mga nakakatanda.
Ayon sa barangay, binantayan nila at ng mga residente ang bahay matapos nilang makita na nililinis ng suspek ang mga bakas ng dugo.
Sumuko naman umano ang suspek sa Quezon City Police District.
Sabi ng suspek, labis na kimkim na galit sa loob ng 16 na taon ang nag-udyok sa kaniya na gawin ang karumal-dumal na krimen sa sa kaniyang asawa.
Sinasabihan daw siya ng biktima na wala siyang silbi.
"Simula po talaga nu'ng panahon na nagsama kami hanggang sa panahon na 'to. Para kasi akong, 'yung, ina-under de saya, tapos parang aso na lang. Parang boryong na boryong ako sa sarili ko," depensa ng lalaki, na walang pagsisisi sa pagpatay ng kanyang asawa.
Sabi ni QCPD Chief Senior Superintendent Guillermo Eleazar, isasailalim sa drug test at psychiatric test ang suspek. — Rie Takumi/KG/FRJ, GMA News
