Inaabang-abangan ng mga batang mag-aaral ang isang truck na dumadaan sa kanilang paaralan dahil ang pahinante at driver nito, nagpapaagaw ng libreng candy at barya sa Quezon. Ano nga ba ang kuwento sa likod ng dalawang magkumpare sa ginagawa nilang pagpapasaya sa mga bata? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala sina Albert "Ambet" Medina, ang truck driver, at kaniyang pahinante na si Elvin John "EJ" Macatangga.

Dahil sa kanilang trabaho, madalas silang mapadaan sa Lourdes Elementary School.

“Noong bumiyahe po kami doon na maulan, nakikita ko mga bata po naglalakad sa daan. Kada dadaan po kami, nakatingin po sila sa akin. Ngayon meron po akong barya sa bulsa. Parang naisipan ko lang na hagisan sila. Pambaon-pambaon po ba,” sabi ni EJ.

“Nakikita ko po kasi ma'am na masaya 'yung mga bata. Nakikita ko na masaya si pareng Elvin,” dugtong ni Ambet.

Ang paisa-isang hagis ng barya noong 2022, naging tradisyon na ng magkumpare kalaunan, at sinamahan na rin nila ito ng candy.

Napag-alaman na lumaki si EJ na walang ama, ngunit nakita niya ang pagiging mapagbigay ng kaniyang ina.

“Gano'n po 'yung nanay ko noon. Noong nakikita ko po 'yung nanay ko na ganiyan, kahit paano kahit wala po siya, nagbibigay po 'yung magulang,” sabi ni EJ. “Kasi unang-una, walong taon pa lang po wala po akong ama eh. Lumaki po ko nang walang kalinga ng ama.”

Sa tuwing mawawalay sa mga anak, ang pamimigay na lamang ng candy ang ginagawa ni EJ upang maibsan din ang kaniyang pangungulila.

“Naging ganito ako, nagkaroon po ako ng dalawang anak. Lagi po kami nasa biyahe, hindi po kami nakakauwi. Kumbaga, nami-miss ko po 'yung mga anak ko,” sabi niya.

Kaya pati si Ambet, nakisali na rin sa pamimigay.

Trabaho nina EJ at Ambet na maghatid ng mga materyales ng tulay sa iba't ibang probinsya.

Maliban sa pagiging on-call, paguran ito at matagal ang bawat biyahe nila. Kaya isang beses lang din silang nakakauwi sa pamilya sa isang linggo.

“Tulad po nito, bumiyahe po kami ng Alabat. Birthday po ng anak ko ‘yun. Kumbaga ko, masama po 'yung loob ko. Malungkot, parang ganu’n po. Sabi ko, sana nandu’n ako sa birthday nu’ng anak ko. Ngayon, ang ginagawa ko po, bumabawi na lang po sa mga bata ‘pag nakakita ako po sila,” sabi ni EJ.

Sa kabila ng maliit ang sahod, sinisikap pa rin ng magkumpare na magtabi ng pambili ng regalo para sa mga bata.

Panoorin sa Good News ang sorpresa ng pagpapasalamat na inihanda ng mga guro at batang mag-aaral ng Lourdes Elementary School para kina EJ at Ambet. – FRJ GMA Integrated News