Inanunsyo ni Bise Presidente Sara Duterte nitong Miyerkoles na tatakbo siyang presidente sa 2028 national elections.
"Ako si Sara Duterte tatakbo bilang pangulo ng Pilipinas,” sabi ni Duterte sa isang punong balitaan.
Bago ang punong balitaan, iniutos ni Duterte ang pagtanggal ng logo ng Office of the Vice President sa podium. Hindi siya sumagot sa anumang tanong mula sa mga reporter pagkatapos ng kaniyang talumpati.
Sinabi niya na inaako niya ang buong responsibilidad para sa kaniyang mga desisyon sa politika at kinilala ang pagkadismaya ng publiko sa mga isyung pambansa.
“Mga kababayan, humihingi ako ng paumanhin sa inyong lahat. Patawad kung tinulungan kong mahalal si BBM bilang Pangulo ng ating bansa,” sabi niya.
Sinabi ng Pangalawang Pangulo na bigo si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na tuparin ang mga pangako sa kampanya at sinumpaang tungkulin.
Sinabi rin ni Duterte na nagbitiw siya sa kaniyang posisyon sa Gabinete matapos magdesisyong hindi niya masusuportahan ang pambansang badyet para sa 2025 na inilarawan niyang "tainted with corruption." Sinabi niyang inaasahan na niyang hahantong sa impeachment ang kaniyang pagbibitiw bilang kalihim ng Department of Education.
“Dahil hindi ko kinayang maging bahagi ng 2025 national budget na tadtad ng katiwalian, pinili kong umalis sa Gabinete,” sabi niya.
Sinabi ni Duterte na sa mga unang buwan pa lamang ng administrasyon, sinimulan na niyang kuwestiyonin ang inilarawan niyang kawalan ng integridad sa pamamahala.
Sa limang-pahinang talumpati, inilista ni Duterte ang tinatawag niyang mga kabiguan ng administrasyon: patuloy na pagbaha, pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, kawalan ng seguridad sa pagkain, mahinang sistema ng pangangalagang pangkalusugan, pagguho ng imprastraktura, at ang patuloy na krimen, ilegal na droga, at terorismo.
Binatikos din niya ang inilarawan niya bilang kawalan ng malinaw at malayang foreign policy, at sinabi niyang nanganganib ang bansa na maipit sa pagitan ng mga pandaigdigang superpower.
“Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin habang nananatiling kapos ang kita ng bawat pamilya,” sabi niya.
Iginiit pa ni Duterte na layunin ng mga imbestigasyon na may motibong politika at paulit-ulit na mga akusasyon na sirain ang kaniyang reputasyon, kabilang ang inilarawan niya bilang "scripted" na congressional inquiries.
“Matagal na akong inaatake gamit ang buong makinarya ng kapangyarihan,” sabi niya.
Bagama't sinabi niyang hindi siya natatakot para sa sarili, nagpahayag naman ng pagmamalasakit si Duterte para sa kinabukasan ng bansa, lalo na para sa mga nakababatang henerasyon.
“May takot ako para sa ating mga anak. May takot ako para sa mga susunod na henerasyon,” sabi niya.
Sinabi ni Duterte na ang kaniyang kandidatura ay isang pag-aalok ng serbisyo imbes na pagkuha ng simpatiya.
“I cannot kneel before each and every Filipino to beg for forgiveness. Instead, I offer my life, my strength, and my future in the service of our nation,” sabi niya. —VBL GMA Integrated News

