Sa kabila ng lason na taglay ng halamang tuba-tuba, paborito itong lantakan ng makulay at makikinang na jewel bug. Makaligtas naman kaya ang insekto?

Sa nakaraang episode ng Born To Be Wild, itinampok ang isang bakuran sa Cagayan De Oro na sagana sa tuba-tuba na pinupuntahan ng mga jewel bug.

Ang content creator na si Walter Tumulak, pakay na makunan at maipakilala online ang iba't ibang buhay-ilang sa Cagayan de Oro.

Namangha siya sa mga jewel bug nang makita niya sa kanilang bakuran ang mga nymph nito.

Kapansin-pansing natutuyo na ang ilang bunga ng tuba-tuba dahil sa pagsipsip ng jewel bug, na “Phytophagous” o insekto na kumakain ng halaman.

Sa dami ng mga jewel bug, posibleng maging peste ito sa halaman dahil siguradong mauubos ang bunga, dahon at dagta nito at magdudulot ng paghina at pagkamatay.

Tinatawag ding “jewel stink bug” dahil sa inilalabas nitong masangsang na amoy kapag nakaramdam ng peligro.

Ngunit ayon kay Dr. Christine Jewel Uy-Yabut, entomologist sa UP Diliman Institute of Biology, maaaring malason pa rin sa halaman ang mga jewel bug.

“Puwede silang malason, especially 'yung mga nymph stage or 'yung mga early stages, hindi pa adult form. Pero may mga plants din, halimbawa 'yung sa tuba-tuba, meron 'yung toxic compounds. Minsan, hindi sila nagkaka-cause directly ng death. So, minsan, nauuna pa nilang kainin or infestate 'yung tuba-tuba bago sila mamatay. Kung mamamatay man sila, 'yung mga iba, they overcome this mechanism,” sabi ni Yabut.

Dagdag pa ni Dr. Yabut, ang mga insekto tulad ng jewel bug ay may kakayahang masanay sa mga halaman na may lason o toxic tolerance.

Ngunit ang tao, wala umanong kawala sa lason ng tuba-tuba.

Ang ESL tutor na si Djoane Lacre, nalason umano noon dahil sa pagkain ng bunga ng tuba-tuba.

“Ah, Chinese peanut. Ang lasa nu’n, parang cashew nut, parang sting sa dila ko. Tapos medyo nahihilo na ako. Pero parang may naramdaman ako na nagsuka, nakatulog ako. Masakit pa rin ang katawan ko, ang tiyan ko. Siguro dasal din, kasi nagdasal talaga ako. Ayokong mamatay,” sabi niya.

Ayon sa toxicologist na si Dr. Kenneth Guo, nagtataglay ang tuba-tuba ng Phorbol esters, isang kemikal na delikado sa tao kapag nakain.

“If you take the jatropha in the raw form, delikado ‘yun. May mga phenolic esters that could be toxic. For instance, ano ang purpose ng ricin? It's a chemical found in a natural product that can cause 'yung cardiotoxicity. Tapos meron siyang hematologic effect. Puwede kang ma-destroy 'yung kaniyang red blood cell,” sabi ni Guo.

Ang pagkain ng tuba-tuba ay posibleng magdulot ng matinding pagkalason at kamatayan.

“First is that it's best to consult a doctor. It doesn't have to be a toxicologist, it can be a doctor. Puwede naman tulungan ng National Poison Center through telephone help. But the important thing is, ma-stabilize siya na hindi siya magkakaroon ng toxic effect within 24 hours,” sabi ni Guo.

Itinuturing nang specialist ang insekto na nanginginain sa iisang species o uri ng halaman ang mga jewel bug, dahil hindi na nila naipapasa ang lason mula sa tuba-tuba sa kanilang predator.

Pero ang makintab na kulay ng mga jewel bug ang nagagamit nila para hindi sila puntiryahin naman ng mga ibon. Panoorin ang video at mamangha sa ganda ng kulay ng naturang insekto. – FRJ GMA Integrated News