Natupad na ni Epy Quizon ang kaniyang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo, 30 taon matapos siyang tumigil sa pag-aaral.
Sa isang Instagram post, ibinahagi ng aktor ang kaniyang pagtatapos kamakailan sa De La Salle University. Nag-post siya ng kaniyang larawan sa harap ng iconic na St. La Salle Hall habang suot ang toga, at nagsulat ng liham para sa kaniyang sarili sa caption.
"Dear Self, 30 years ago, in 1996, you walked the halls of De La Salle University just a thesis away from graduation. Fear and circumstance pulled you away, and survival became more important than ceremony," saad niya.
“But you made a promise. Through the years of work, loss, and other responsibilities,” dagdag pa niya na tahimik umano niyang inilagay sa kanyang puso ang pangako.
Binanggit din niya ang kaniyang yumaong ama na si Dolphy, at panghihinayang na hindi na nito nasaksihan ang naturang mahalagang araw sa kaniyang buhay.
“Mama, turning 80 soon, will,” saad pa niya. “Today, you return—not as the young man who left, but as someone steadier, stronger, and faithful to his word.”
Sinabi rin ni Epy na hindi lang kapirasong papel ang diploma kung hindi "a promise kept. A prayer answered. A legacy for your children."
“It was never too late,” pagdiin niya.
Sa sumunod niyang post, sinabi niyang sa pagtatapos niya ng pag-aaral, pinarangalan niya ang alaala ng kaniyang ama at ibinigay sa kaniyang ina ang tinawag niyang “gift of completion."
Ipinakita rin niya sa kaniyang mga kapatid na: “perseverance runs in your shared blood," at pinatunayan sa kaniyang mga anak na ang isang panata ay sagrado, gaano man ito katagal bago matupad.
Nagpasalamat siya sa DLSU sa pagiging matiyaga at sa muling pagtanggap sa kanya. Nagpasalamat din siya sa Diyos na, “the Author of this long and beautiful story.”
“Thank You for a life filled with second chances, for strength when fear was loud, for grace when time felt lost, and for the gift of seeing a promise bloom after thirty years,” ani Epy.
Si Epy ang pinakabagong showbiz personalities na nakamit ang kanilang college degrees habang nagtatrabaho sa showbiz. —Nika Roque/FRJ GMA Integrated News

