Inihayag ni Sofia Trazona na nananatili ang kaniyang respeto kay Alvin Aragon, ang asawa ng kaniyang ina na si Izzy Trazona, bagama’t hirap siyang ipagtanggol ito.
Sa panayam sa kaniya sa vlog ni Ogie Diaz, sinabi ni Sofia na bagama’t nirerespeto pa rin niya si Alvin, hindi niya itinangging labis siyang nasaktan sa mga sinasabi nito.
“I respect you kasi asawa ka ng nanay ko, and hindi magbabago ‘yun. Let’s just keep it that way kasi nasaktan na rin ako eh,” saad ni Sofia na isang transwoman.
“Kung gusto ko man siya i-defend, mahihirapan ako, grabe niya rin i-condemn ang mga bakla,” pagpapatuloy ni Sofia. “Ang ironic naman na sa’kin manggagaling.”
Ayon pa kay Sofia, hindi niya dinadamdam kapag hinuhusgahan siya ng mga tao dahil sa kaniyang identidad, dahil mayroon siyang personal na relasyon sa Diyos.
“I believe na I’m only answerable to God alone, Siya lang ang puwedeng mang-judge sakin,” sabi niya.
“The word of God doesn’t condemn people, kasi mahal nga tayo ng Diyos,” dagdag pa ni Sofia.
Gayunman, sinabi ni Sofia na hindi niya maiwasang makaramdam ng pagkapahiya sa mga pahayag ni Alvin.
“Grabe naman ‘yung tingin sa amin. Hindi naman kami nagnakaw. Hindi naman kami pumatay ng tao. Nagtatrabaho naman kami nang maayos. Wala naman kaming tinatapakan na ibang tao,” patuloy niya.
Sa parehong vlog, ibinahagi rin ni Sofia ang kaniyang pagbubukod, relasyon niya sa kaniyang tunay na ama, at ang kaniyang relasyon kay Izzy simula nang lumitaw ang kanilang isyu noong 2023.
“Kahit naman strong-willed 'yung faith ni mama, alam ko na tinuturing niya pa rin akong anak,” sabi niya.
“Sadyang naghiwalay lang ‘yung landas namin dahil naging independent na nga rin ako,” sabi pa ni Sofia.
Noong 2023, inihayag ni Izzy ang pagtutol niya kay Sofia bilang isang drag queen sa social media, na sinasabing nais lamang niyang protektahan si Andrei at ang kaniyang tatlong iba pang mga anak mula sa "going against the faith I have in Christ."
Samantala, sinabi ni Sofia na lubos na tinatanggap ng kaniyang biyolohikal na ama ang kaniyang pagkakakilanlan at nagpapasalamat siya sa hindi walang sawang suporta nito. – FRJ GMA Integrated News

