Nasawi ang isang tanod sa tapat mismo ng kaniyang tindahan matapos siyang pagbabarilin umano ng mga nakamotosiklo sa Maynila nitong Biyernes. 

Ang mga kaanak ng biktima, blangko pa sa pamamaslang dahil mabait ito at walang nakakaaway.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Balitanghali," kinilala ang biktima na si Jamil Didato, na nakatayo lamang noon sa kaniyang tindahan sa 13th Street, Port Area nang pagbabarilin ng mga salarin.

"Biglang may narinig akong putok. Paglingon ko, patumba na siya. Tapos palayo na 'yung motor at saka 'yung back ride," ayon sa isang kaanak ng biktima.

Tinutukan pa ng mga salarin ang mga tao sa lugar bago sila tumakas.

Ayon sa pamilya ni Didato na isa ring negosyante, mabait, matulungin at walang kaaway ang biktima.

"Kung sino man ang gumawa sa kaniya, sana mangyari 'yung nangyari sa asawa ko dahil nawalan ng tatay ang mga anak ko. Sino mang gumawa sa kaniya... Walang ginagawang masama ang asawa ko," sabi ng asawa ng biktima.

"Napakabait na bata, matulungin at saka 'yung negosyo niya talagang malinis." saad ni Salik Arongo, chairman ng Barangay 650, Zone 68.

Nang tanungin kung sino sa tingin niya ang gumawa ng krimen, "'Yun ang hindi namin alam," sagot ni Arongo.

Makikita ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa kuha ng litrato mula sa CCTV, na sinasabi ng mga kaanak ng biktima na bumaril kay Didato.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga pulis sa pamamaril. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News