Nananatiling misteryo para sa pamilya ng isang sundalong doktor ang biglang pagkawala ng kanilang mahal sa buhay. Humihingi sila ng tulong sa sinumang may nalalaman sa kinaroroonan nito na huling nakita sa bahagi ng East Avenue sa Quezon City noong Marso 9.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras," kinilala ang nawalang doktor na si Army Captain Ardie Rama, na magdiriwang sana ng kaniyang ika-32 kaarawan ngayong Martes.

"Parang gumuho 'yung mundo ko," saad ng ama ni Rama.

"Hindi kayang ipaliwanag kasi masakit na hinahanap mo ang anak mo. Umaasa ako na kung sino man 'yung kumuha, o kung nasaan man siya, sana umuwi na siya kasi nandito na si mama," sabi naman ng ina ng doktor.

Kamakailan lang, tumayo sa Welcome Rotonda habang may hawak na plakard ang ama ni Rama para manawagan ng tulong upang mahanap ang kaniyang anak.

"Alam mo si Ardie, sabi niya, 'yung kapitbahay namin na tumitirik ang mata, sabi niya, isinugod niya sa ospital, madaling araw. Tapos nu'ng pinasunod na lang niya 'yung nanay, itinakbo na lang niya sa ospital 'yung baby. Tapos noong nasa ospital, doon niya na-realize wala pala siyang tsinelas, maisugod lang 'yung bata sa ospital," kuwento ng kaniyang ina.

"'Yung pagkadeterminado na makapagbayad, binibilot 'yung pera tapos binabato sa loob ng bahay, kasi ayaw niya tanggapin, ayaw niyang tumanggap ng bayad," sabi pa ng tatay ng sundalo.

Nanawagan na rin ang pamilya kay Pangulong Rodrigo Duterte para mahanap si Rama.

"Napakadami niyang natulungan at binuhay. Ngayon na nangangailangan naman si Ardie ng isang tulong, sana matulungan naman siya ng pangulo natin at ng mga mamamayan natin, na maabot ang panawagan kong ito," panawagan ng tatay ng nawawala.

Nagtungo na rin nitong Martes ang pamilya sa NBI-NCR para humingi ng tulong at nangako naman ang ahensiya na tututukan ang kaso.

"Sa bahay, sa opisina, sa ospital, puwedeng makausap lahat 'yan para magkaroon tayo ng lead or guide kung ano nangyari talaga at kung nasaan itong si doktor," sabi ni Atty. Cesar Bacani, Regional Director, NBI - NCR.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News