LOOK: Arestado ang police colonel, matapos ireklamo ng panghaharass ng isang babae sa Malate, Manila; @dzbb pic.twitter.com/oCg940Xlx9
— Luisito Santos (@luisitosantos03) April 11, 2018
Arestado ang isang police colonel matapos ireklamo ng isang babae ng pangha-harass sa isang condominium sa Malate, Manila.
Kinilala ang suspek na si Police Senior Superintendent Enrique Ancheta na nakatalaga sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame.
Ayon kay MPD Station 9 Commander Superintendent Eufronio Obong, inaresto ang suspek matapos makatanggap ng tawag mula sa isang tenant ng Pacific Regency Condominium sa P. Ocampo Street na hinaharas daw ng isang lalaki.
Kwento ni "Meg" sinugod daw siya ng suspek at pilit pinalabas sa kanyang unit para pirmahan ang isang dokumento.
Pinagbintangan umano kasi ng pulis ang dalawa nyang kaibigan na nagnakaw sa mahigit P60,000 cash ng dalawang Koreanong nakilala nila sa isang KTV bar sa Malate nuong Linggo.
Nang aarestuhin na ng mga pulis ay dito na ito nagpakilalang opisyal ng PNP ang suspek.
Depensa ni Ancheta, pinuntahan lang nya ang unit ng biktima para papirmahin ito ng affidavit para patotohanan ang nangyaring pagnanakaw ng mga kasamahan niyang kinilalang sina alyas "Karen" at alyas "Heart."
Iginiit ng naarestong pulis na tinutulungan lang niya ang mga Koreano na mahuli ang mga babaeng nagnakaw ng kanilang pera.
Sa kabila nito, Sinabi ni Superintendent Obong na nilabag ng nabanggit na police officer ang kanilang Police Operational Procedure dahil hindi muna ito nakipagugnayan sa kanila na silang nakakasakop sa lugar bago nagsagawa ng operasyon.
Nakakulong na ang police officer sa MPD station 9 at inihahanda na ang mga posibleng kasong isasampa laban sa kanila. — BAP, GMA News
