Dalawang lalaking hinihinalang gumagamit ng mga kalapati para mag-deliver ng iligal na droga ang naaresto matapos humarurot at hindi tumigil sa isang checkpoint sa Quezon City, ayon sa ulat ni Tricia Zafra sa 24 Oras nitong Miyerkoles.

Bukod sa ilang kalapati, nakuha sa dalawang suspek na sina Datu Khen Matsura at Ibrahim Gaima, na magka-angkas sa motor, ang isang pakete ng shabu

Nangyari ang insidente pasado 10 a.m. nang dumaan ang kanilang motor sa checkpoint sa Mabuhay Rotonda. Kahit sinita ng mga pulis na naka-duty sa lugar si Matsura dahil wala siyang suot na helmet, nagdire-diretso lamang ang dalawa kaya hinabol sila ng mga awtoridad.

"Gustong umalis ito, tumakbo. Pinigilan po namin," ani SPO2 Wilfredo Calinao.

"Hindi ko po nakita 'yung checkpoint, ma'am," depensa ni Gaima.

Napansin ng mga pulis ang kahina-hinalang kilos ni Matsura kaya tiningnan nila ang kanyang. Dito tumambad sa kanila ang isang pakete ng hinihinalang shabu.

Dito na pinosasan sina Matsura at si Gaima, na walang maipakitang lisensiya.

Dinala sila sa bilangguan kasama ang sakay nilang apat na kalapati.

Nagsuspetsa ang mga awtoridad na ginagawa nilang drug courier ang mga ibon.

"'Yung kalapati po 'yun po ang ginagamit para 'pag tinarya ang shabu, ilalagay po 'yun sa parte ng katawan ng kalapati at dadalhin na roon kung saan nila gustong dalhin," sabi ni Police Senior Inspector Henry Taule.

Nakita ng mga pulis ang maluwag na pulang "singsing" sa binti ng mga kalapati, na magsisilbi umanong patunay.

Sa singsing daw isinisingit ang mga sachet ng droga bago pakawalan ang mga kalapati papunta sa pagdadalhan ng droga.

Itinanggi ng mga suspek ang akusasyon.

"Isinabay lang 'yang kalapati kasi ihahagis lang 'yan doon. Hindi naman dinidikit 'yan diyan. Kasi nangangarera kami ng kalapati," sabi ni Gaima.

Aminado sila na naghahatid sila ng droga, pero hindi nila ito gumagamit.

Ayon pa kay Matsura, nautusan lamang siya ng isang taga-Tondo, Maynila, sa halagang P500 na ihatid ang droga sa Fairview, Quezon City.

Kasalukuyan ang imbestigasyon ng mga pulis sa pagkakakilanlan ng nasa likod ng operasyon ng mga suspek.

Nasa pangangalaga rin ng mga awtoridad ang mga kalapati bilang ebidensiya.

Nahaharap sa reklamo ng pagtutulak ng droga, tangkang pagtakas sa checkpoint at traffic violations ang mga suspek. —Jamil Santos/KBK, GMA News