Nagbigay ng mensahe at panawagan si Dagul, o Romeo Pastrana, sa mga kilalang artista ngayon, na nakatrabaho niya noong mga bata pa sa children’s show na “Goin’ Bulilit.”
Sa nakaraan niyang guesting sa Kay Susan Tayo! Vlogs ni Susan Enriquez, binalikan ni Dagul ang alaala sa ilang big stars na ngayon nang nakasama niya ang mga ito sa naturang show noong mga bata pa lang.
“Ang dami nang mga sumiikat na mga bata. Sino-sino? Si Julia (Montes) ni Direk Coco (Martin), si Kathryn (Bernardo), si Kiray (Celis)... si Belle (Mariano),” pag-alala niya.
Natanong ang komedyante tungkol sa kaniyang pakiramdam sa mga ito na mga sikat na artista na ngayon.
“Tuwang-tuwa ako kasi ‘yung nasa isip ko sabi ko, ‘Yan ang mga bata na ‘yan dati, kasama-kasama ko ‘yan. Biro mo, ‘pag mag-taping kami, takbuhan, laro. Pero ngayon, sikat na sikat na. Kaya tuwang-tuwa ako sa mga ‘yan ‘pag nakikita ko,” saad niya.
Sa kabila nito, hindi ikinaila ni Dagul na kailangan niya ng tulong kaya umaasa siyang mapapansin ng mga dating “bulilit” ang kaniyang kalagayan.
“Alam ko naman talaga na marami sa inyo na sumikat. Sana, mapansin niyo ako kung may maitulong kayo, project man,” saad niya.
“Sasabihin ko na, kailangan ko ng tulong,” dagdag ni Dagul.
Sa parehong panayam, ikinuwento ni Dagul, na nagpabalik-balik siya sa ospital noong nakaraang taon dahil sa kaniyang mga sakit na pulmonya at sleep apnea. Bukod dito, mino-monitor din ang kaniyang kidney.
Gayunman, umaasa siya na mabibigyan pa siya ng pagkakataon na muling makapagtabaho at magkaroon ng proyekto. – FRJ, GMA News
https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/chikamuna/997383/dagul-nanood-lang-ng-noontime-show-noon-nang-alukin-na-mag-artista-ni-randy-santiago/story/
