Habang nagsasalita bilang resource person sa isang event sa Ortigas, kapansin-pansin na hindi makontrol ni Marites Valencia – Odarbe ang panginginig ng kaniyang katawan dahil sa taglay niyang karamdaman na Parkinson’s disease.
Sa naturang event sa Ortigas, inihayag niya na, “I'm no longer a person with disability but a person of destiny.”
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” napag-alaman na 35 taon nang nakikipaglaban sa naturang karamdaman ang 59-anyos na si Marites.
Sa kabila ng kaniyang kondisyon, nagtatrabaho si Marites sa Persons with Disability Affairs Office sa San Juan, Batangas.
Dahil hindi basta tumitigil ang panginginig ang kaniyang mga braso't binti, dapat palaging may katabing unan si Marites upang hindi siya masugatan o masaktan habang nakaupo sa sahig.
Kahit may kondisyon, pinipilit ni Marites na maging aktibo para maging kapakipakinabang. Tumatayo siya ngayong representative ng PWD Affairs Office ng kanilang munisipyo.
“Ine-empower ko ‘yung persons with disabilities kasi naniniwala ako through education, ma-e-empower sila,” sabi niya.
Bago nito, pinayagang pumasok si Marites sa PWDAO dahil hindi pa malala ang kaniyang kondisyon. Ngunit noong pandemya, doon na mas lumala pa ang kaniyang sakit.
Sa tagal na ng pakikipaglaban niya sa sakit, may tawag na si Marites sa mga “episode” o atake ng kaniyang nararanasan, na depende kung gaano ito kagrabe.
“Robot Queen” stage ang kaniyang tawag kung bigla siyang napapagod o para bang nalo-lowbat, at nagpuputol-putol ang pananalita sa kalagitnaan ng kaniyang pagtatrabaho.
“Ice Queen” stage naman ang tawag niya sa mga pagkakataon na bigla na lang naninigas ang kaniyang katawan.
“Dancing Queen” stage naman kapag tumalab na ang bisa ng kaniyang gamot, kung saan hindi na niya talaga makontrol ang panginginig ng katawan.
Ang lahat ng ito, paulit-ulit na nangyayari kay Marites kada dalawang oras.
Sa bahay, ang kaniyang anak na si Jeanne Marie ang nag-aasikaso sa kaniya.
Inilahad ni Mairtes na nagmula siya sa isang pamilya na may kaya. Tungkol sa pesticides ang negosyo ang negosyo ng kaniyang pamilya noon.
Pangarap niya noon na maging abogada. Pagtapak sa kolehiyo, kumuha siya ng kursong public administration sa UP Diliman at naging candidate pa para sa Cum Laude.
Taong 1992 nang matanggap siya sa Ateneo Law School na isa sa pinaka-prestihiyosong law school sa bansa.
“Doon nag-start doon na nakikita ‘yung unang symptom. ‘Yung nag-tremors ako. Akala yata ng mga iba, kinakabahan ako. Ang handwriting ko malaki dati pero pumapanget na,” sabi niya.
Dahil sa pagbaba ng kaniyang grado dulot ng problema sa kalusugan, nag-kickout si Marites sa Ateneo.
Taong 1996 pa niya nalaman ang totoo niyang sakit na Juvenile Parkinson's disease.
“‘Lord bakit naman ako? Super bad ba talaga ako? Sinisisi ko ‘yung sarili ko. Siguro parusa talaga ‘yan ni Lord sa ‘yo.’ Unknown cause, pero most probably sa case ko ay environmental kasi nu’ng bata ako, doon kami nakatira, pesticide store,” kuwento ni Marites.
Kinumpirma ni Dr. Russel Anne Marie Carandang, Adult Neurologist at Parkinson's Disease Specialist, na isa sa environmental factors ng pagkakaroon ng Parkinson’s Disease ang exposure sa pesticides, at iba’t ibang chemicals.
Mas lumala pa ang kondisyon ni Marites nang malugi ang negosyo ng kanilang pamilya.
“'Yung mag-move nga lang, hindi ko na kaya. Super, nginudngod naman ako ni Lord noon. Lahat ng aspeto ng buhay ko disabled,” kuwento niya.
Ayon kay Carandang, bukod sa paggalaw ng katawan, mayroon din non-motor symptoms ang mga katulad ni Marites. Gaya ng depression at anxiety.
“Isa pong malaking factor po 'yung family support para ma-encourage din po 'yung mga patients na magtuloy-tuloy po, na hindi sila mawala ng pag-asa,” sabi ni Carandang.
Humuhugot si Marites ng lakas sa kaniyang anak na si Jeanne.
“Miracle baby nga siya, hindi ako nag-take ng medicine. Kasi alam ko super tindi, pero ‘yun, naka-survive siya. ‘Yun ‘yung best thing na nagawa ko,” kuwento ni Marites.
“Hindi pa ganu’n kalaki ang suweldo niya pero siya pa rin ang sumusuporta sa pagbili ng medicine. Kaya nahihiya ako. Ayaw kong maobliga siya kasi hindi naman niya obligasyon 'yun e. Humihingi ako ng sorry sa kaniya kasi hindi ako 'yung normal na parent,” dagdag ni Marites.
Sa tulong na rin ng mga taong nagtitiwala sa kaniya, sa kabila ng kaniyang kondisyon, nagagawa pa rin ni Marites ang mga bagay na akala niyang imposible, gaya ng pagsusulat ng libro.
Lagi rin siyang imbitado sa mga speaking engagement, hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa abroad.
“Sinasabi ko doon na, a person with disability can still dream. At ‘yun nga, maging voice para sa persons with disability. Not necessarily my voice kasi pilit na nga rin niyang inaagaw ng Parkinson’s ang boses ko. Mayroong ganitong klase ng kapansanan na hindi nakakahawa,” sabi ni Marites.
“Hindi kailangan ng awa pero 'yung panguna. As long as may hininga ka pa, tuloy ang laban. Ang Parkinson’s ay hindi end ng buhay mo,” pagpapatuloy niya.
Tunghayan sa KMJS ang pagreregalo ng team kay Marites ng bagong wheelchair, at ang emosyonal na pagbabasa niya ng mga liham mula sa kaniyang mga na-inspire. Panoorin. – FRJ GMA News
