Marami ang naantig ang damdamin nang lumabas ang video ng isang bata na walang tigil ang pagsigaw sa kaniyang ama nang kasama masagip siya ng mga sundalo mula sa pagkakabihag ng mga terorista sa Marawi. Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras," natuklasan na may hiwaga palang nangyari nang sandaling iyon ng rescue mission.
Sa naturang ulat ni Tima ni GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, binalikan niya ang istorya ng mga nakaligtas na bihag ng mga terorista sa nangyaring limang buwang bakbakan sa Marawi.
Kabilang sa mga nasagip nang malapit nang matapos ang bakbakan kasunod ng pagkakapatay ng mga sundalo kay Isnilon Hapilon ang isang batang siyam na taong gulang.
Sa video, makikita ang bata na malakas ang sigaw sa pagtawag sa kaniyang ama habang inililikas siya ng mga sundalo.
Nang makausap umano ni Tima ang ina ng bata, ikinuwento ng ginang na ganun na lang daw ang sigaw ng kaniyang anak dahil nakita raw nito ang ama sa likod ng mga sundalo pero hindi lumalapit sa kaniya.
Ang hindi umano alam ng bata, kabilang ang ama nito sa mga nasawi ilang buwan na ang nakalipas bago pa siya masagip ng mga sundalo.
Pero iginiit daw ng bata sa kaniyang ina na nakita niya ang kaniyang ama nang araw na iyon na nakangiti sa kaniya habang isinasakay sila sa tangke papatakas mula sa mga terorista.
Kung may kuwento ng hiwaga sa pagkakaligtas sa bata, bangungot naman kung ituring ng iba pang nabihag ang kanilang dinanas sa kamay ng mga teroristang Maute-Isis.
Si "Ramil," isa sa huling hostages na nakatakas sa giyera, halos maputol ang paa sa tama ng bala pero nabuhay.
Pero dahil sa tinamong pinsala sa paa, hirap sila ng kaniyang asawa sa buhay dahil hindi na siya makapagtrabaho.
Ang P5,000 natanggap na tulong, hindi raw kasya kahit man lang pamasahe para magpa-therapy.
Ang asawa ni Ramil, hindi man nabihag pero may trauma rin at lagi raw naiisip ang kanilang kaligtasan at kung saan kukuha ng makakain sa araw-araw.
"Mahirap kasi parang nakagapos pa rin kami, mag-iisang taon na," saad niya.
Si Father Chito Soganub na binihag din ng mga terorista, pinanatili ang pagiging malapit sa mga kaibigang Muslim.
Aminado siya na malalim pa rin ang sugat na iniwan sa kaniyang isipan ng nangyari kaya kailangan pa rin niyang sumangguni sa doktor.
"One hundred seventeen days under Marawi siege parang very devastating, parang nasira talaga 'yung inner being mo," sabi niya.
Samantala, pinuntahan naman ni Education Secretary Leonor Briones ang ground zero para makita ang 20 pampublikong eskuwelahan na nasira ng bakbakan.
Mamadaliin umano ang pag-aayos ng mga nasirang paaralan sa labas ng most affected area pero 46 na eskuwelahan sa Marawi ang handa na para sa darating na pasukan.-- FRJ, GMA News
