Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na kabilang sa mahigit 9,800 Pilipino na umuwi sa bansa dulot ng kaguluhan sa Middle East ay mga kaanak nila at mga overseas Filipino workers (OFW).
Batay sa datos hanggang nitong Mayo 20, 2026, sa kabuuang bilang na 9,854 na umuwi, 7,748 ang OFWs, habang 1,745 naman ang kanilang mga kapamilya, at 361 ang mga stranded na Pinoy.
Ang listahan ng mga serbisyong naibigay hanggang Miyerkules, Mayo 19, 2026 ay ang sumusunod:
- 27,369 ang tumanggap ng financial assistance
- 21,120 – ang nakatanggap ng food assistance
- 2418 – naman sa medical assistance
- 7191 – sa transport assistance
- 2473 - sa shelter
Kabuuang 60,571 katao ang nakinabang sa onsite services para sa mga Pilipinong naapektuhan ng sigalot sa Middle East.
OFWs mula sa Kuwait
Hindi naman bababa sa 79 na OFWs mula Kuwait ang dumating nitong Huwebes, Mayo 21, 2026, sakay ng Gulf Air flight, ayon sa DMW.
Sa pahayag ng DMW, sinabi nitong bahagi ang kanilang pag-uwi sa patuloy na repatriation efforts ng pamahalaan para sa mga OFW sa Middle East.
Sinalubong sila ng mga tauhan mula sa Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at medical team ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Nabigyan din sila ng ayudang pinansyal at welfare assistance, libreng medical consultation, pansamantalang matutuluyan, at transportasyon.
Naghanda rin ang pamahalaan ng reintegration program upang matulungan silang makapagsimulang muli, kabilang ang job matching, skills upgrading, at livelihood assistance.— FRJ GMA News

