Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bukas ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng kagawaran para sa lahat— hindi lang para sa mga mahihirap kung hindi maging ang mga "middle class."
Sa isang media forum nitong Huwebes, sinabi ni DSWD Crisis Intervention Program Director Edwin Morata na hindi namimili ng katayuan sa buhay ang tinatawag na “shocks” o hindi inaasahang sitwasyon tulad ng kalamidad o energy emergency.
"Hindi pinipili ng shocks kung ikaw ay mayaman o mahirap, may trabaho o wala, kung ikaw ay nasa middle class o ikaw ay low-income earner o minimum wage. Maaaring disaster, lahat tayo ay apektado. Ang energy emergency, lahat tayo ay apektado. Even health shocks, lahat tayo ay apektado," paliwanag ni Morata sa mga mamamahayag.
"'Yan po ang lagi natin sinasabi na kapag may pangangailangan na hindi napaghandaan ng isang tao o pamilya, 'yung pinansyal na kapasidad nila na tugunan 'yung pangangailangan, kaya may ganito tayong programa," dagdag ng opisyal.
Ayon sa DSWD, patuloy nilang pinapahusay ang mga alituntunin ng AICS upang matugunan ang nagbabagong pangangailangan ng iba’t ibang kliyente.
Ang AICS ay isang social welfare service na nagbibigay ng tulong para sa gastusing medikal, pagpapalibing, transportasyon, edukasyon, pagkain, at iba pang pangangailangang pinansyal.
AICS applications
Sinabi rin ni Morata na pinasimple na ng kagawaran ang proseso ng aplikasyon para sa AICS.
Sa kasalukuyan, tatlong hakbang na lamang ang kailangang pagdaanan ng mga aplikante:
- Pagkuha ng numero o pag-queue
- Assessment at interview
- Pag-release ng tulong
Para sa mga documentary requirements, kailangang magsumite ang aplikante ng mga sumusunod:
- Valid ID ng claimant; at
- Medical certificate, medical abstract, o sertipikasyon mula sa psychiatrist o psychologist
Depende sa hinihiling na tulong, kailangan ding magsumite ng karagdagang dokumento bilang suporta sa aplikasyon:
- Para sa laboratory o diagnostic procedures, at mga kahilingan para sa medical implants o assistive devices — request para sa laboratory o diagnostic procedure na may price quotation
- Para sa mga pasyenteng sumasailalim sa therapy o espesyal na paggamot — doctor’s order o treatment protocol na may price quotation
- Para sa kahilingan ng gamot — reseta ng gamot
- Para sa tulong sa hospital bill — statement of account
Babala laban sa mga fixer at pekeng dokumento
Samantala, nagbabala ang DSWD sa mga kliyente ng AICS laban sa pakikipagtransaksyon sa mga fixer at pagsusumite ng pekeng dokumento upang ilegal na makakuha ng cash aid.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na naghain na sila ng police report laban sa mga tao na sangkot sa natuklasang panloloko kamakain, at naisampa na rin ang kasong kriminal bilang babala sa iba pang fixer.
“Yung dalawa po doon [sa nahuli], several times nang nakakuha sa AICS. Ibang pagkatao ang pine-present niya. Kaya sabi namin, we have to strengthen our mechanism to avoid this kind of engagement with the people na nagkakaroon ng fraudulent documents,” paliwanag ni Morata sa isang forum.
“We already filed a case, we already requested authority from the Secretary himself for us to represent DSWD to our legal office to stand on the case. Gusto naming malaman ng publiko na kahit ganito kami kabait, hindi po dapat inaabuso ang ating sakripisyo…Alam po naming mahirap gawin ito pero we need to learn a lesson,” dagdag niya.
Ayon kay Morata, natuklasan ang mga panloloko dahil kayang matukoy ng mga social worker ang mga hindi tugmang detalye sa pamamagitan ng masusing pagtatanong at pagberipika ng dokumento.
“Ang social workers natin ay mayroon ding mechanism to see yung documentation kung tama o hindi. Minsan tinatawagan nila ang ospital o clinic to check kung existing. Kasi mapapansin nila na parang sa isang linya na ito, pare-pareho ang diagnosis, pare-pareho ang result, at pare-pareho ang needs,” sabi niya.
Sa pambansang budget para sa 2026, binigyan ang AICS program ng P63.9 bilyong pondo.
Nauna nang iniulat ng DSWD na nakapagbigay sila ng tulong sa mahigit 8.2 milyong Pilipino mula Enero hanggang Nobyembre 2025 sa ilalim ng AICS program. – FRJ GMA News
