Nananatiling single pa rin sa ngayon si Kyline Alcantara, at sinabing hindi na niya masyadong isasapubliko ang susunod niyang lovelife.
Sa panayam ni Nelson Canlas ng GMA News na ipinalabas sa “24 Oras” nitong Biyernes, ibinahagi ng Sparkle star na nasa proseso pa siya ng “self-improving.”
“I’m self-improving pa,” saad ni Kyline. “Oo. Doon muna tayo. ‘Wag muna, Lord. When I love, I really love a person 'cause I feel like I have too much love to give. So, I just keep on giving and giving and giving, so ako na muna. Sa akin muna lahat.”
Ayon pa kay Kyline, hindi siya nagmamadaling makahanap muli ng pag-ibig. Gusto pa raw niyang maranasan ang maraming bagay sa buhay habang bata pa siya.
“I’m still young. Actually, it’s a paradox nga whenever I say, I’m still young. I’m still young, so dapat I can experience a lot of things,” ani Kyline.
“I’m allowed to fail still, and I’m allowing myself to make more mistakes, but at the same time, I’m still young. I shouldn’t hurry," dagdag pa niya.
Nang tanungin kung nakikita ba niyang makikipagrelasyon siyang muli sa isang public personality, sinabi ng aktres na hindi pa niya sigurado.
“With a public personality? Hindi ko po alam. Honestly, hindi ko po alam. Depende kung sino ang ibibigay ng ating Panginoong Diyos,” tugon niya.
Nagbahagi rin si Kyline tungkol sa hirap ng pagkakaroon ng relasyon na batid ng publiko, kaya mas gusto na niyang gawing pribado ang susunod niyang relasyon.
“Maybe that’s the reason why I’m self-improving 'cause parang masyado na pong out there. I know that we’re public figures, but we’re not public properties,” paliwanag niya.
“Kung may mangyari man in the near future sa aking love life, siguro pang sa akin lang muna po iyon. Hindi ko na siya ipa-publicize that much,” dagdag ng aktres.
Mapapanood si Kyline sa nalalapit na Kapuso action series na Taskforce Firewall bilang si Callie Sandoval.
Sa parehong panayam, sinabi rin niyang excited siyang gawin ang una niyang action role.
“Ang ambag ko sa ‘Taskforce Firewall’ ay more on sa tech and siyempre may mga action scenes din kasi isa ‘yon sa mga hindi nila alam na kaya kong gawin. Na kaya ko ring bumaril, kaya ko ring mag-arnis,” saad niya.
Kasama rin sa “Task Force Firewall” sina Kylie Padilla, Miguel Tanfelix, Jak Roberto, at iba pa.
Mapapanood ang "Taskforce Firewall" sa GMA Network sa May 25. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News
