Kumpiyansa ang kampo ni Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez na mayroon silang matibay na ebidensya upang patunayan ang kasong robbery at extortion laban sa founder ng Peanut Gallery Media Network (PGMN) na si Franco Mabanta at apat pang iba.
Ito ang inihayag ni Atty. Elaine Atienza, abogado ni Romualdez, nitong Huwebes matapos ang arraignment nina Mabanta at ng iba pang akusado sa Pasig City Regional Trial Court (RTC).
Nag-ugat ang kaso sa umano’y banta ni Mabanta na ilalabas ang isang video report na mag-uugnay kay Romualdez sa flood control scandal. Ayon sa reklamo, hiningan umano ni Mabanta si Romualdez ng ₱350 milyon, na kalaunan ay ibinaba sa ₱300 milyon, kapalit ng hindi paglalabas ng naturang report sa pamamagitan ng PGMN.
Inaresto si Mabanta at ang apat pang kasama ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation.
"We cannot speak of the details of the case since it is already the subject of ongoing proceedings, but what we can say right now is that we are confident in the strength of our case and our evidence," ani Atienza.
"The court is the proper forum where we can test this evidence. We respect the court process and we trust that the court will view this matter fairly," dagdag pa niya.
Giit pa ni Atienza, hindi umano pag-atake sa kalayaan ng pamamahayag ang kanilang reklamo laban kay Mabanta.
"This is not about press freedom. In fact, we encourage people—if they have anything against any person, they can report that to the authorities. But we should always follow the process," paliwanag ni Atienza.
"And we encourage the public to be more circumspect, to be able to judge what we see on social media. Because ultimately it is the court that will decide," patuloy niya.
Sa isang pahayag, inakusahan naman ni CJ Hirro, kasamahan ni Mabanta at anchor ng PGMN, si Romualdez ng paggamit ng troll farms laban sa kaniyang mga kritiko.
"Taas kamay sa naniniwalang walang troll farm ang kampo ni Martin Romualdez na ginagamit niya sa lahat ng kalaban niya. Taas kamay sa naniniwalang totoong mahal lang siya ng mga tao," ani Hirro.
Itinuring ng NBI na person of interest sa kaso si Hirro. Kalaunan, humarap ang abogado ni Hirro sa NBI bilang pagsunod sa subpoena at itinanggi na nagtatago ang kanilang kliyente. — FRJ GMA News

