Nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa Pilipinas sa Mayo 27 ang bagong South Korean zombie movie na “Colony,” na pinagbibidahan nina Ji Chang Wook at Jun Ji Hyun.

Sa direksyon ni Yeon Sang-ho, ang filmmaker sa likod ng mega hit movie na “Train to Busan,” iikot ang istorya ng bagong South Korean zombie thriller sa isang biotechnology conference sa Seoul, na nauwi sa kaguluhan matapos makawala ang isang virus na mabilis mag-mutate.

Dahil sa pagkalat ng virus, napilitan ang mga awtoridad na i-lockdown ang isang buong skyscraper, na naging dahilan upang ma-trap sa loob ang mga nakaligtas kasama ang isang nakamamatay na bagong uri ng infected.

Ilang cinema chain sa bansa ang nagsimula nang mag-anunsyo ng screenings para sa pelikula bago ang opisyal nitong pagpapalabas.

Kinumpirma ng SM Cinemas at Robinsons Movieworld sa kani-kanilang mga platform na ipapalabas nila ang “Colony” sa kanilang mga sinehan.

Kilala si Ji Chang Wook sa mga dramang “Healer,” “The Worst of Evil,” at “Welcome to Samdal-ri,” habang kabilang naman sa mga kilalang proyekto ni Jun Ji Hyun ang “My Love From the Star” at “Kingdom: Ashin of the North.”—Carby Rose Basina/FRJ GMA News