Marso 18, 1996 nang maganap ang Ozone Disco Tragedy, na mahigit 160 ang nasawi, kabilang ang ilang high school graduates. Itinuturing ito na isa sa deadliest fire tragedies sa bansa. Tunghayan ang kuwento ng isang survivor, at alamin kung may napanagot na ba sa nangyaring trahediya.
Sa nakaraang episode ng i-Listen, nagbalik-tanaw ang survivor na si Jhunie Mallari, na edad 16 o 17 noon, at isa sa high school graduates na bumisita sa Ozone Disco, kasama ang pinsan at mga kaibigan.
“Pagpasok pa lang namin, crowd[ed] na eh. Mapuno na…pagdating sa second door, nandu’n po 'yung mini lobby, which is 'yung entrance, doon ka magbabayad. So pagpasok namin, talagang wala nang mauupuan,” pag-alala niya.
Dahil nakita nilang maraming tao, napuno ng excitement sina Jhunie, lalo’t pinatutugtog pa ang mga paborito nilang kanta.
Kalaunan, may pumutok sa DJ’s booth, na inakala pa ng iba na props lamang.
“Habang sumasayaw kami bigla na lang may nag-spark talaga. Siguro sa iba, sabi nga nila, akala daw nila, props. So since na, siyempre taga-roon kami, parang lagi kaming nandoon, alam namin 'yung mga lights and sounds nila,” kuwento ni Jhunie.
“Kahit ako, akala ko, parang scratching lang. Then, nu’ng paglingon kong ganiyan, nakita ko talaga siya, parang may spark lang. Ang bilis. Biglang ‘boom!; Alam mo ‘yung may posporo ka, ginanu’n (sinindihan) mo 'yung gas, ganu’n,” paglalarawan pa niya.
Hanggang sa masunog na ang mga kurtina na nasa discohan, na umabot umano sa debris. Dahil dito, nagdesisyong tumalon sina Jhunie mula sa ledge.
Sinubukan pa nilang apulahin ang apoy at ibaba ang fuse, ngunit kumakalat na ang apoy.
Nang magdesisyon silang lumabas, nagkaroon ng problema, dahil paloob ang sara ng pinto, at hindi palabas.
“Kung sino man 'yung gustong maglabas no’n, sa dami po ng tao na ‘yun, almost kulang-kulang 300, na sabay-sabay kayo sa isang pinto… Kahit 10 kayong tumutulak na buksan ‘yun, hindi niyo kakayanin,” pag-alala niya.
“'Yung example ko na lang po, 'yung oven. Daan-daan umiinit. Ganu’n po 'yung pakiramdam namin sa loob. Na daan-daan siyang umiinit, nagsisigawan na lang, ‘wag kami mawalan nang pag-asa, may isang malakas na loob na nagsasalita ng ganu’n sa amin,” kuwento pa niya.
Kalaunan, nawala na rin ang ilaw sa loob ng discohan.
“Hanggang sa nawalan na po ng ilaw. Hanggang sa ilaw na lang namin, 'yung apoy. 'Yung iyak, nandu’n, 'yung humingi, humingi ka ng tawad, lahat, nandun na lahat. ‘Papa, Mama,’ tatawagin mo. Ganu’n 'yung mga nasa paligid namin. Noong time na, lumalaki na 'yung apoy,” patuloy ni Jhunie.
Dumagdag pa sa lakas ng apoy ang hangin sa loob ng building.
“‘Yung hangin pumapasok. Para mo kaming sinigaan ng kahoy na binubugahan mo ng hangin. Ganun po 'yung nangyari sa loob,” saad niya.
Sa kabila nito, dahan-dahan na pinilit nina Jhunie na buksan ang pinto. Ngunit nagkasampahan pa ang mga tao sa loob at nagkakabalyahan.
Muntik pang mawalan ng pag-asa si Jhunie dahil pakiramdam niyang masusunog na siya, hanggang sa tila magkaroon ng isang himala.
“Pagyuko ko, naramdaman ko po, pumasok na 'yung apoy. Napayuko na ako, gumano’n (takip ng mukha) na ako. Kasi long hair po ako noon, naubos po 'yun.”
“‘Pag po nasunog tayo, kusa po itong gagalaw (manginginig ang mga braso),” dagdag pa niya.
Ngunit habang nasusunog, nahawakan ni Jhunie ang handle ng pinto, at nahatak niya ito.
“Isa po ako sa nakahatak doon at isa ako sa nakalabas doon. Imagine that. From first door, second, and third. ‘Yun po 'yung dinaanan namin. Noong araw na ‘yun na ‘yun na ewan ko, bakit binuhay ako, nagkaroon pa ako ng chance,” sabi pa niya.
Pagkalabas, naitakbo si Jhunie sa ospital.
Ipinagluksa ni Jhunie ang insidente, na namatayan ng 17 kaibigan.
Hustisya
Tatlumpung taon matapos ang insidente, sinabi ni Jhunie na hindi pa rin nila nakakamit ang hustisya, dahil wala pa umanong nakukulong magmula noon.
“‘Di ba sinabi nila nanalo kami? Walang nangyari. Walang nakulong,” sabi niya.
“Halos lahat ng opisyales namin nagkandamatay, lahat ng humawak ng Ozone Disco Foundation, lahat ng mga uncle, tito namin, wala na. Kami-kami na lang ang andito,” dagdag ni Jhunie.
Hindi rin sila nakakuha umano ng compensasyon.
“Ako, almost half a million ang ginastos, tapos ang ibibigay mo sa akin P13,000?” sabi ni Jhunie tungkol sa kaniyang insurance.
Ayon kay Jhunie, 46% ng kaniyang katawan ang nasunog, kasama ang kaniyang buong ulo at likod.
“”Yun ang pinagtataka namin noong panahon na ‘yun. Ang daming namatay dito, ang daming nasirang buhay dito, walang nakulong. Tapos overloaded, no fire exit, ano pa bang kailangan? Namatayan ako ng kaibigan, nasunog ako. Nasaan ang hustisya sa Pilipinas?,” tanong niya.
Tunghayan ang buong kuwento ni Jhunie sa panayam sa kaniya ni Kara sa video. -- FRJ GMA News
