Walang tigil ang iyak ng isang mag-ina matapos na arestuhin ang nanay na nahulihan ng hinihinalang ilegal na droga sa Barangay Payatas, Quezon City. Ang 3-anyos na batang lalaki, tinangkang pigilan ang pagdakip sa kaniyang nanay.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang suspek na si Amalyn Deloso, na inaresto ng isang pulis ng Police Community Precinct 5 ng Quezon City Police District Station 6.
Natagpuan sa kaniya ang isang plastic na may lamang hinihinalang shabu sa kalye ng nabanggit na barangay.
Kasama ni Deloso ang kaniyang anak nang datnan ng pulisya.
Inaresto rin ang lalaking si Willy Tapar, na nakuhanan ng isang plastic na may hinihinalang shabu.
Sa parehong barangay, arestado rin ang tatlong babae dahil sa pagsusugal sa labas ng kanilang bahay.
Napaiyak na lamang ang isa sa mga babae na inaresto.
Nakuha sa mga residente ang mga bet money at mga baraha na kanilang ginamit sa pagsusugal.
Hindi nagbigay ng kanilang mga pahayag ang limang naaresto.
Samantala sa Barangay Batasan, arestado ang dalawang lalaking mga hinihinalang tulak na matagal nang minamanmanan ng pulisya.
Kinilala ang mga suspek na sina Emmanuel Abugan at Al Abu Bakar, na mga nadakip sa isinagawang buy-bust operation.
Nakuha sa kanila ang tatlong plastic na may lamang hinihinalang shabu.
Todo-tanggi ang dalawa kahit nakunan na ng mga ebidensiya.
"Wala, naglalakad lang ako sa kalsada nang pinasakay ako sa sasakyan eh," sabi ni Abugan.
"Sa totoo lang, walang nahuli sa katawan ko... Nag-positive din ako sa drug test," sabi ni Bakar.
Nakatakdang sampahan ng reklamo ang mga suspek. —Jamil Santos/KG, GMA News
