Arestado ang isang lalaki sa Dasmariñas, Cavite, matapos umano nitong gahasain nang paulit-ulit ang 12-anyos niyang anak, ayon sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Huwebes.

Arestado rin ang lola ng dalagita matapos umano nitong  pekein ang medico legal ng biktima upang palabasin na birhen pa ito.

Batay sa sumbong ng biktima sa National Bureau of Investigation (NBI), naganap umano ang panggagahasa tuwing lasing o lango sa ipinagbabawal na gamot ang kanyang ama.

Kuwento ng dalagita, na sinamahan ng isang guardian sa NBI, nagsimula siyang abusuhin noong siya'y 11 taong gulang mula nang magtrabaho sa abroad ang kaniyang ina.

Sa tuwing nalalasing umano ang nalalango sa droga ang ama, ipinapasok siya nito sa kuwarto at pilit na pinapanood ng malalaswang video.

May mga pagkakataon din daw na sinasaktan siya nito at pinipiringan sa mata habang inaabuso. Kahit nagmamakaawa, nauuwi raw sa wala ang pakiusap niya.

Hindi naman itinanggi ng suspek ang paratang sa kanya.

"Maka-apat na araw na akong walang tigil nang paggamit [ng shabu], pag-inom, humihingi ako ng tawad sa presidente tsaka sa anak ko, sana naman bigyan niyo ako ng isang pagkakataon," anang suspek.

Nahaharap siya sa kasong statutory rape at child abuse.

Ayon naman sa biktima, hindi niyang patawarin ang kanyang ama.

Kakasuhan din ng NBI ang ina ng suspek na lola ng biktima sa pangungumbinsi umano sa doktor na gumawa ng medico legal report na nagsasabing hindi pa nagalaw ang kaniyang apo.

Ayon sa NBI, may dati na ring kaso ang suspek na reckless imprudence resulting in damage to property. Ang lola naman, may warrant of arrest para sa estafa. —Jamil Santos/KBK, GMA News