Nasawi ang 29-anyos na lalaking rider at anak niyang tatlong-taong-gulang na babae matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang tricycle sa Basista, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya sa bahagi ng Barangay Dumpay noong Martes.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lumihis sa kabilang linya ng kalsada ang motorsiklo kaya nakasalubong at nakasalpukan nito ang tricycle.

Nakainom din umano ang rider na ama nang mangyari ang insidente.

Dinala ang mag-ama sa ospital pero hindi na sila umabot nang buhay.

Nasugatan naman ang driver ng tricycle na nagpapagaling sa ospital.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at ang pag-uusap ng pamilya ng mga nasawi at ang driver ng tricycle.—FRJ GMA Integrated News